
Isko: Measures vs pagtaas ng COVID cases kasado na
BUNSOD ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa, naglabas ng direktiba si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso hinggil sa nalalapit na kapistahan ng Sto. Niño, suspensyon sa klase ng mga pribado at pampublikong paaralan, at 24/7 booster drive-thru vaccination sa Quirino Grandstand.
Sa ginanap na pulong balitaan sa opisina ni Domagoso, magpapatupad ito ng liquor ban sa mismong araw ng Kapistahan ng Sto. Niño sa area ng Tondo at Pandacan matapos nitong lagdaan ang Executive Order No. 4 na magpapaigting sa pagpapatupad sa umiiral na City Ordinance 5555 na nagbabawal sa pagbebenta, at pag-inom ng alak o anumang nakalalasing na inumin sa lugar na nasasakupang lugar nito.
Wala din aniyang gaganaping pisikal na misa sa mga simbahan sa lugar na nasasakupan ng Pista at tanging mga online mass lamang ang gagawin kahalintulad sa ginawang hakbang ng Quiapo church sa nagdaang kapistahan dito.
Pangalawang direktiba, simula ngayong araw (Enero 14) ay suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Maynila pribado man o pampublikong paaralan, online class man o physical class hanggang Enero 21 upang mabigyan ng sapat na oras na makapagpahinga ang mga estudyante at mga guro lalo na ang mga tinamaan ng COVID-19.
“Walang klase, health break muna para mabawasan ang anxiety ng mga titser at makapagpahinga din sila. I know most of them doing online despite of their infection. Kawawa naman, para makapagpahinga naman ang ating mga guro gayundin ang mga magulang at estudyante,” ani Domagoso.
Kaugnay nito, simula ngayong alas-12 ng hatinggabi ay sinimulan na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang 24/7 booster drive-thru vaccination sa Quirino Grandstand.
Ayon naman kay Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, magiging “unlimited” na ang mga nais magpabakuna sa nasabing drive-thru vaccination caravan basta’t dalhin lamang ang kanilang vaccination card. Tatanggapin aniya nila kahit saan man manggaling ang kanilang vaccination card sa mga nais magpa booster shot. Kasama si Itchie G. Cabayan at C.J Aliño