DOTr: “No vax, no ride” ipatutupad

January 13, 2022 Jun I. Legaspi 332 views

NO vaccination, no ride/no entry policy ng Department of Transportation (DOTr) sa Metro Manila ay 100% suportado ng management ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Ito ang tiniyak ni Jason Salvador, Spokesperson ng (PITX) bilang pagtugon sa masusing pagtugon sa safety health protocol at ligtas na biyahe kapwa ng mga driver, conductor, pasahero at mga personnel ng company.

“Seryoso kaming tatalima bilang katuwang at kaagapay ng gobyerno sa pagsulong ng kaligtasan ng lahat, full support kami para sa lahat lalo na sa public,” saad ni Salvador sa interview.

“Sa ngayon closely coordinating kami sa DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa full implementation ng policy,” saad ni Salvador.

Kasabay nito nanawagan din si Salvador sa mga commuters na sumunod sa lahat ng mga polisiya na ipatutupad ng management ayon na rin sa kautusan ng DOTr at LTFRB para sa mas mabilis na serbisyo at makaiwas sa mga kaabalahan at mga inconvenient para sa pagpasok, pagsakay at paglabas sa terminal.

Umaasa ang management ng terminal na maayos na maipatutupad ang bagong policy.

Nauna nang iniutos ni Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride/no entry” policy sa NCR.

Sa kanyang Department Order (DO), sinabi ni Tugade na ang pagpapatupad ng “no vaccination, no ride” policy ay magkakabisa habang ang COVID-19 Alert Level 3 o mas mataas pa ay nananatiling nakataas sa NCR.

Ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng DOTr ay inaatasan na tiyakin na ang mga operator ng pampublikong transportasyon ay papayagan lamang na mag-isyu ng mga tiket sa mga taong ganap na nabakunahan’ na may physical o digital copy ng vaccine card.

AUTHOR PROFILE