Default Thumbnail

Hustisya sa pinaslang na COP itutulak ng solon

April 2, 2023 Paul M. Gutierrez 192 views

Publiko hiniling makipagtulungan

NANGAKO si Patrol Partylist Rep. Jorge Bustos ng tulong at suporta sa paghananap ng pamilya ni San Miguel, Bulacan, chief of police P/Lt. Marlon Serna, na makamtam ang hustisya para sa kanyang pagkamatay sa kamay ng dalawang mga hindi pa kilalang suspek.

Ito ang tiniyak ng mambabatas nang dalawin ang mga labi ni Serna sa tahanan nito upang personal na ipaabot sa kanyang pamilya ang pakikidalamhati ng Patrol Partylist kasama ang kanyang kapatid na si Masantol, Pampanga, Mayor Jose Antonio Bustos at lokal na pulisya.

Matatandaan na napatay ng dalawang armadong suspek si Serna matapos personal na magresponde sa nangyaring insidente ng nakawan sa Bgy. San Juan, San Miguel noong Marso 25.

Agarang nagtayo ng checkpoint ang mga pulis sa San Ildefonso kung saan agarang binaril ng mga suspek na lulan ng isang motorsiklo ang mga pulis. Sa kasamaang palad, nasapol sa ulo si Serna at idineklarang dead on arrival sa ospital.

Matagumpay namang nakatakas ang mga suspek na pinaghahahanap pa rin ngayon ng mga otoridad.

Ani Bustos, ang nangyaring pagpaslang kay Serna ay isa ring pag-atake sa buong hanay ng pambansang pulisya kung saan ang interes ay isa sa mga plataporma ng kanilang partylist.

Hiniling din ng Pampanga solon ang tulong ng publiko para sa agarang pagresolba sa pagkakapatay kay Serna. “Ang kanyang ipinakitang katapangan at katapatan sa tungkulin ay hindi dapat makalimutan,” ani Bustos,

Aabot na sa halagang P1 milyon ang inilaang pabuya ng Philippine National Police (PNP) at ng tanggapan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa sino mang makapagtuturo sa mga salarin.

AUTHOR PROFILE