
Holdaper sa España mabilis nadakip ng Pulis-Maynila
DAHIL sa mabilis at agarang responde ng mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) Barbosa Police Station 14 nasakote ang isang 34-anyos na construction worker na isang umanong holdaper mapatos mambiktima sa isang tulay sa España Boulevard, malapit sa Cayco Street, Sampaloc, Maynila Miyerkules ng gabi.
Ang suspek ay taga-Rosal St., Barangay Old Capitol Site, Diliman, Quezon City.
Narekober ang ginamit na patalim mula sa suspek ngunit nabigo namang mabawi ang isang ninakaw na mobile phone.
Desidido naman na magsampa ng reklamo ang babaeng biktima na residente ng Earnshaw St. Sampaloc.
Base sa ulat ng University Belt Police Community Precinct kay P/Lt. Col. Ramon Nazario, hepe ng MPD Barbosa Police Station 14, bandang 10:00 ng gabi nang holdapin ang ginang sa nasabing lugar.
Ayon sa salaysay ng biktima, papatawid umano ito sa kabilang kalsada nang sundan ito ng isang lalaki saka umano ito inakbayan at tutukan ng patalim sa leeg.
Hindi na nagawang manlaban ang ginang, dahil sa takot at sapilitang kinuha ang hawak nitong isang Vivo Y20 mobile phone na nagkakahalagang P10,999.
Matapos isagawa ang panghoholdap naglakad lamang ang suspek at dumaan ito sa kabilang kalye.
Nahaharap naman sa kasong robbery-holdup ang suspek matapos namang positibong kinilala ng biktima.