Binata, agaw-buhay matapos mahagip ng rumaragasang jeepney
NASA malubhang kalagayan sa pagamutan ang 43-anyos na binata makaraang mahagip ng humaharurot na jeepney habang naglalakad pauwi sa gilid ng kalsada Miyerkules ng hapon sa Caloocan City.
Unang isinugod sa Philippine Orthopedic Center ang biktimang si Raymond Ordiz, residente ng A.P. Aquino St. Barangay 1 subalit kaagad na inilipat sa Quezon City General Hospital upang malapatan ng lunas sa tinamong matinding pinsala sa ulo at katawan.
Sa ulat na isinumite ni traffic investigator P/Cpl. Rhou Anthony Gudgad kay Caloocan Police Chief P/Col. Samuel Mina, Jr., mabilis na tinatahak ng jeepney na minamaneho ni Ryan Cenal, 33 ng Gov. A. Pascual St., Daang Hari, Navotas City ang kahabaan ng Gen. San Miguel St. dakong alas-2:50 ng hapon patungo sa direksiyon ng A.P. Aquino St. nang salpukin ang isang bakal na poste sa naturang lugar.
Dahil sa bilis ng sasakyan, nagtuloy-tuloy pa rin ito at nahagip naman ang naglalakad na biktima sa gilid ng lansangan na naging dahilan nang kanyang pagtilapon.
Nagkataong nasa lugar naman ng pinangyarihan si Pat. Maconce Hope Donado ng District Mobile Force Battalion ng Northern Police District (DMFB-NPD) kaya’t kaagad niyang inaresto si Cenal at dinala sa tanggapan ng Caloocan Police Traffic Enforcement Unit para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Iniutos din ni Mina ang pagpapa-impound sa jeepney na minamaneho ni Cenal habang inaayos pa ang kaukulang dokumento sa pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in serious physical injury and damage to government property laban sa driver sa piskalya ng Caloocan.