Hinoldap na estudyante sa Sta. Cruz sinaklolohan
ARESTADO ng mga operatiba ng District Special Operation Unit-Manila Police District (DSOU-MPD) ang isang lalaki na nangholdap sa isang estudyante sa kahabaan ng Rizal Avenue, Sta. Cruz sa Maynila.
Sa gitna ng isang follow-up operationg ng mga kapulisan, tumawag sa kanilang atensiyon ang pagsigaw ng “Saklolo, may nangholdap sa akin!” at agad na umaksyon ang mga tauhan ng DSOU sa panulukan ng Rizal Avenue at Jose Abad Santos Avenue sa Barangay 374 Zone 38 sa Tondo, ng Martes ng gabi.
Dahil dito, nasabat ang suspek na isa umanong tricycle driver, ng Tambunting Street, Sta. Cruz.
Ayon kay Police Major Rommel Reyes Purisima, chief ng DSOU-MPD, pasado alas 7:30 ng gabi nang magsimula silang magsagawa ng police operation tungkol sa isang “wanted” subalit narinig nila ang sigaw ng isang 15-anyos na dalagita makaraan umanong holdapin ng suspek.
Ayon sa salaysay ng dalagita, nabigla umano siya matapos lapitan ng suspek at saka umano siya binulungan na “holdap” saka sapilitang kinuha nito ang cellphone na Realme C112021 na nagkakahalaga ng P5,000.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, naka-uniporme pa noon ang dalagita habang patungong eskuwelahan para pumasok nang holdapin ng suspek.
Dahil dito kasong paglabag sa kasong robbery holdup at Republic Act 7610 (Child Abuse Law) ang kalaharapin ng suspek.