Default Thumbnail

Granada nakita sa gusali sa Sampaloc

March 24, 2023 Jonjon Reyes 430 views

ISANG granada ang natagpuan sa gilid ng isang gusali sa panulukan ng Dapitan at Antipolo Streets sa Bgy. 509 sa Sampaloc, Maynila, nitong Biyernes ng umaga.

Naging mabilis ang aksyon ng Sampaloc Police Station 4 ng Manila Police District (MPD) dahil agad na ikinordon ang lugar, bago pa man itinawag sa opisina ng District Explosive Counter Attack (DECA) ng MPD ang pagkakadiskubre sa granada na nakabalot pa sa plastik.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, ang station commander, bandang 10:45 ng umaga nang madiskubre ni Carlito Ocampo, 50-anyos na negosyante na nakatira sa Bgy. Lambakin ng Marilao, Bulacan, ang granada.

Inireport niya kay Jhanry Fernandez, ang 25-anyos na security guard sa binabantayang SLEX/NLEX/SKYWAY project sa nasabing lugar, ang nakitang granada na ipinagbigay-alam naman sa mga kapulisan.

Sa salaysay ni Ocampo, dahil sa tawag ng kalikasan, nagtungo umano ito sa gilid ng gusali ng SJNjs General Merchandising at napansin nito ang isang bagay na nakabalot ng plastik.

Nang bulatlatin ang plastik, tumambad ang isang hand grenade.

Dahil dito, agad na nagreport ang sekyu sa SIBAMA PCP at saka ipinagbigay-alam sa tanggapan ni Villaruel, na daglian namang iniutos sa kaniyang mga tauhan na ikordon ang lugar upang maiwasan ang pagsabog nito, bago pa man ipinagbigay-alam sa tanggapan ng MPD-DECA na pinangungunahan ni PCMS Roderick Kabigting.

Pagkatapos ay dahan-dahan nang kinuha ang nasabing hand grenade.

AUTHOR PROFILE