Default Thumbnail

Ginang binaunan ng bala dahil sa ‘selos’

June 8, 2023 Jonjon Reyes 220 views

SINASABING “selos” umano ang dahilan ng agarang pagkamatay ng isang 19-anyos na ginang, matapos pagbabarilin ito ng kanyang 37-anyos na ka-live-in sa loob ng isang tahanan sa Tondo, Maynila Miyerkules ng gabi.

Dahil sa agarang pagsasagawa ng follow-up operation ng mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) Station 1 at sa tulong ng mga barangay official ay mabilis na natimbog ang papatakas na sanang suspek na isa umanong negosyante at residente sa naturang lugar.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Rodolfo Acosta lll kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng MPD Homicide Section, bandang 6:20 ng gabi (Hunyo 7), nang maganap ang pamamaril.

Sa inisyal na imbestigasyon, “nagselos” diumano ang suspek dahil may kinakasama umano ang biktima

Ayon naman sa tiyahin ng biktima, ginagawa lamang “pampalipas oras” umano ang kanyang pamangkin ng suspek, sa salaysay nito sa mga imbestigador.

“Masyadong ganid sa laman ang h*y*p na yan at hindi na makuntento sa iisang babae lang, siya pa ang may ganang magselos at nakuha pa niyang barilin ang aking pamangkin,” pahayag ng tiyahin.

Ayon pa sa ulat, nagkaroon ng pagtatalo diumano ang dalawa hanggang may umalingawngaw na tatlong sunod na putok ng baril.

Nang ito ay tingnan ng isang testigo, dito na nakita ang nakahandusay na biktima habang ang suspek ay namataan na isinusukbit pa sa baywang ang baril na ginamit sa krimen.

Ang bangkay ng ginang ay pansamantalang inilagak sa Sanctuary Funeral Morgue, habang ang suspek ay nahaharap sa kasong “murder.”

AUTHOR PROFILE