Default Thumbnail

Gen. Eleazar, kandidatong may dangal!

March 29, 2022 Paul M. Gutierrez 602 views

PaulBAGAMAN masasabing “malaking dagok” sa kanyang tsansang manalo ngayong halalan, muling ipinakita ni ex-Chief PNP, Gen. Guillermo Eleazar, na siya ay isang taong may prinsipyo, totoong kasama at kaibigan at higit sa lahat, isang taong may dangal.

Bakit natin nasabi ito? Dangan nga kasi, sa kabila ng ginawang “pagbaligtad” ng Partido Reporma mula kay Sen. Ping Lacson bilang kandidatong pangulo ng partido pabor kay VP Leni Robredo, nanindigan si Gen. Guillor—Numero 23 sa balota—na hindi niya iiwan si Sen. Ping bilang kandidato niyang presidente sa halalan ngayong Mayo 9, 2022.

Ang kanyang pagiging matapat sa kanyang binitiwang salita kay Lacson na “walang iwanan” ay hindi puwedeng sabihin dito kay Monsour del Rosario na agarang bumitaw kay Lacson at sumama kay Robredo matapos isantabi ng sariling partido si Lacson.

At siyempre, sa nangyaring “gulo” sa Partido Reporma, apektado, kahit na paano, ang kandidatura ng mga senador nito.

Bukod kay Eleazar at Del Rosario, kandidato rin ng partido sina ex-DA secretary at NPC lifetime member, Manny Piñol at, Dra. Minguita Padilla.

Sa kabila nito, nakikita namang hindi nagpapaapekto itong ating kaibigan dahil sa kanyang FB page— ‘Guillermo Eleazar’—makikitang kahit mag-isa lang, tuloy ang kanyang pangangampanya.

Aber, kahapon pala ay nasa Iloilo naman siya at kasama pa nga sa mga kuhang larawan sina Gov. Arthur Defensor at iba pang mga opisyales ng lalawigan.

Sabagay nga, kung pagiging “masipag” din lang ang pag-uusapan, walang puwedeng maipintas kay Gen. Eleazar dahil isa itong katangian na matagal na niyang “bitbit” bilang pulis at lingkod-bayan.

At hindi lang masipag, sadyang propesyunal at may malalim na pagtingin sa mga isyu at problema kaya nga bagaman umabot lang ng anim na buwan ang kanyang termino bilang Chief PNP, nagawa niyang pataasin ang imahe ng ating pambansang pulisya at ang tiwala dito ng ating mga kababayan.

Hindi rin nabahiran ng ano mang kontrobersiya ang kanyang pagkatao bagaman higit tatlong dekada siyang pulis, reputasyon na hindi puwedeng sabihin sa mga naging kasamahan niya sa serbisyo, hindi ba, dear readers?

Sa kanya namang ginawang “pagtindig” kay Sen. Ping, ipinakita rin ni Gen. Eleazar na palaging dapat may puwang kahit kanino ang salitang “dangal,” maging ordinaryong tao ka man at partikular sa mga gustong maglingkod sa ating bayan.

Hindi na natin uulit-ulitin pa ang mga katangian ni Gen. Guillor—sandamakmak na ang mga papuri at artikulo na naisulat natin hinggil sa kanya. ‘Well-deserving’ ang tawag dito, mga kabayan.

At pinuri at patuloy natin siyang pinupuri hindi dahil “sipsip” tayo sa kanya. Bagkus, dahil nga kilala natin ang kanyang pagkatao at galing bilang opisyal.

Kung mayroon tayong dapat ulitin dito ay ang ating “pakisuyo” sa ating mga mambabasa at sa ating mga kababayan na huwag kalimutan ang kanyang pangalan at numero—23—ngayong halalan.

At talagang ‘sakto ang kanyang slogan—“SIGA”—Sipag at Galing dahil ito naman ang kumakatawan sa kanyang pagkatao—masipag na, magaling pa!

And yes may dangal pa, kaya, saan pa ba kayo, mga bosing, sige nga!

AUTHOR PROFILE