MPD QCPD Agad kinordon at maigting na binantayan ng mga kapulisan ng MPD at QCPD ang BMW (PB-0045) na minamaneho ng nagwalang Fil-Chinese national na kinilalang si Arvin Chua Tan.

Fil-Chinese tinakasan ang hotel bill sa QC, hinabol, huli sa Recto

July 13, 2021 Melnie Ragasa-limena 1348 views

Umabot sa Maynila ang ‘hot pursuit operation’ ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) matapos mag-amok at takasan ng isang Fil-Chinese ang bill sa isang hotel sa Quezon City, nitong Martes ng umaga.

Ang suspek na si Arvin Chua Tan, 46, at naninirahan sa 49 C 11 corner Gilmore St., New Manila, Quezon City, ay kasalukuyang nakapiit sa QCPD Kamuning Police Station 10 habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa estafa, resistance and disobedience to a person in authority and multiple damage to property.

Sa report ng Quezon City Police Distritct (QCPD) Kamuning Police Station 10, bandang alas- 10:30 ng umaga (July 13) ng maganap ang insidente sa Hotel Sogo na matatagpuan sa No. 45 Timog Ave., Bgy. South Triangle, QC.

Ayon sa reklamo ni Catherine Pelaez Silva, 40, branch manager ng Hotel SOGO, bandang alas 11: 00 ng gabi (July 12), nag-check-in sa SOGO Hotel ang suspek at kinabukasan nang lalabas na umano ito nitong Martes (July 13), ay tumangging magbayad ng kaniyang bill.

Nagulat pa umano ang mga staff ng hotel na sa halip magbayad ng bill ang suspek ay galit pa itong nanghihingi halagang P20,000 sa hindi malamang dahilan.

Dahil dito ay nagkasagutan ang suspek at ang staff ng hotel at dahil sa tila wala sa sarili na nag-aamok na si Tan ay inireport na ito sa Kamuning Police Station 10.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at habang nasa kalagitnaan ng komprontasyon ay mabilis na sumakay si Tan sa nakaparanda niyang itim na BMW sa parking lot ng hotel, pinaharurot at binangga ang nakaparadang mobile car ng mga awtoridad, maging ang NMAX motorcycle na sinasakyan ni PMSg Tagulao.

Tumakas ang suspek hanggang sa nagkaroon ng ‘hot pursuit operation’ kung saan ay binangga din ni Tan ang mga sinusundang mga pribadong behikulo, maging ang nadaaanang LTO mobile cars, mga motorsiklo at iba pang mga sasakyan.

Umabot ang ‘hot pursuit operation’ sa kahabaan ng Recto Ave., sa kanto Nicanor Reyes St., sa Maynila kung saan naaresto si Tan.