Fernandez

‘Fake derma training centers buwagin!’

September 8, 2022 People's Tonight 369 views

PINALALANSAG ni Sta. Rosa lone district Rep. Dan S. Fernandez ang lahat ng mga nagsusulputang pekeng aesthetic at derma training center sa bansa dahil malaking panganib ang mga ito sa kalusugan ng publiko.

Ang pahayag ni Fernandez ay ipinalabas matapos arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang operator ng Argonza Aesthetic and Dermo-Pigmentation Academy.

Si Fernandez, chairman ng House Committee on Public Order and Safety, ay nagbigay babala sa publiko na maging mapanuri upang matiyak na hindi sila mabiktima ng mga ganitong uri ng sindikato.

Aniya, dapat ay higit pang paigtingin ng mga awtoridad ang kanilang kampanya upang masawata ang mga modus-operanding ganito na walang ibang tanging hangad kundi lokohin ang publiko at kumita lamang ng limpak-limpak na halaga ng salapi.

Sinabi ng mambabatas na nakababahala ang mga illegal na operasyong ito dahil bukod sa naloloko ng malaking pera ang mga biktima, nalalagay din sa panganib ang mga publikong walang ibang gusto kundi magpaganda o magpakinis ng kutis.

“The Professional Regulations Commission and the Department of Health should be made aware of this NBI discovery,” ani Fernandez sa isang pahayag.

“What I found out from the NBI reports is quite shocking. How can a person without any professional license or background be allowed to teach and demand over P100,000 in fees to train students on medically-sensitive aesthetics and dermatological procedures?” sabi pa ng mambabatas.

Bago naging kongresista ay isang dating artista si Fernandez kaya marami itong kilalang personalidad na nahihilig magpunta sa mga aesthetic at derma clinic para magpaganda.

“Tinatawagan ko na rin ang mga kasamahan kong artista na mag-ingat sa ganitong uri ng clinic,” sabi pa nito.

Kasabay nito, sinabi ni Fernandez na ngayon ang panahon upang lahat ng samahan o iba-ibang medical group ay magkaisa para kondinahin ang illegal na operasyon ng mga pekeng derma clinic na katulad ng Argonza’s training center.

Naniniwala ang mambabatas na maaaring ang mga nagsipagtapos sa Argonza clinic ay nagpapanggap na ring mga derma and aesthetic experts, gayung ang kanilang pinanggalingang pagsasanay ay isang huwad, peke at walang papel – bagay na delikado para sa kanilang mga parokyano.

“Maraming dermatological methods ang halos katulad na rin ng medical procedures na dapat dalubhasang doktor lamang ang gumagawa,” wika pa ni Fernandez.

Nabatid na sinusuri nang maigi ng NBI ang nakuha nilang video kung saan ay ina-administer ng operator ang isang mesotherapy at lipodissolve injections na mga lisensiyadong medical specialists lamang ang dapat gumawa.

Umaasa ang kongresista na higit maging vigilante ang medical community at iba pang lisensiyadong commercial aesthetic clinics upang sila mismo ang magsumbong ng mga may ganitong uri ng modus-operandi.

Sa inihaing resolusyon sa Metropolitan Trial Court of Makati City, sinabi ni Asst. City Prosecutor Cherrylin N. Go Ortiz na may ‘probable cause’ upang kasuhan ang operator ng paglabag sa Section 68 at may kinalaman din sa Section 28 ng Education Act of 1982.

“The allegations of public complainants are clear and categorical that (the operator) was engaged in giving lectures, hand-on exercises and training on how to perform hydrafacial, oxyfacial, dermabrasion, chemical peeling and the use of Hifu machine without being registered with the Unified TVET Program Registration and Accreditation System (UTPRAS) of TESDA (Technical Education and Skills Development Authority,” ani Go-Ortiz. Ni ANCHIT MASANGCAY

AUTHOR PROFILE