Deped

Fact-finding committee binuo para sa G5 student na namatay sa sampal

October 3, 2023 Arlene Rivera 264 views

ISANG fact-finding committee ang binuo ng Department of Education (DepEd) para mag-imbestiga sa pagkamatay ng grade 5 student na sinampal ng kanyang guro sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City.

Bubuuin ang komite ng tatlo hanggang lima katao at makatitiyak ang publiko na walang papanigan o kikilingan sa pagsasagawa ng imbestigasyon, ayon sa DepEd.

Magdedesisyon ang komite kung magsasampa ng pormal na kaso matapos ang fact finding investigation.

Kung mapapatunayan na mayroon prima facie evidence, magkakaroon ng formal investigation para mabigyan ng pagkakataon ang guro na magbigay ng pahayag sa kaso.

Namatay ang biktimang si Francis Jay Gumikib, grade 5 student ng Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City, matapos sampalin ng kanyang guro dahil sa pagsusumbong na may maingay sa klase.

Sa halip na aksyunan ng guro ang sumbong ng biktima si Gumikib pa ang napagbuntunan ng init ng ulo ng guro.

Sinabi ni Divina Rafael, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Antipolo City Police Station, hinawakan umano ng guro ang biktima sa damit at buhok at saka tinampal.

Nakapasok pa ang bata ng ilang mga araw pero unti-unting nakaramdam ng pananakit sa ulo at tenga na sinundan ng pagkawala ng balanse at pagsusuka.

Dinala sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima noong Sept. 21 at doon na-comatose. Ayon sa records ng ospital, nagkaroon ng pagdurugo sa utak ang estudyante at ito ang sanhi ng kanyang kamatayan. Nina ARLENE RIVERA & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE