Izzy

Ex-Sexbomb Izzy tutol pagiging drag queen ng anak

September 14, 2023 Aster Amoyo 257 views

PINOST sa social media ng dating Sexbomb member na si Izzy Trazona ang kanyang saloobin sa pasya ng kanyang anak na si Andrei na maging isang drag queen. May mensahe naman si Andrei para sa kaniyang ina.

“I miss you Drei, you’re always in my prayer…everyday. I love you so much. And that will never be changed,” panimula ni Izzy sa kanyang Facebook post.

Gayunman, sinabi niyang hindi siya sang-ayon sa desisyon ng anak.

“Sometimes, parents & their children have disagreements and its normal. But I know both sides have that pain in their [heart] and wishes that they will just simply agree w/ each other. Both have their own reason of what they are fighting for,” anang dating Sexbomb dancer.

Binalikan ni Izzy ang kanyang karanasan bilang isang anak, na hindi rin noon sinasang-ayunan ng kanyang ina sa lahat ng bagay.

Ngunit napagtanto ni Izzy na ginagawa ito ng kanyang ina bilang pagmamahal sa kaniya.

Sunod nito, inilahad ni Izzy na nagkaroon sila ng usapan ni Andrei tungkol sa desisyon nito sa buhay.

“Once you told me, ‘you’ll never know what I feel kasi you we’re never in my shoes.’ Yes, I agree, same with me, hindi mo pa rin naman nararanasan maging magulang. All I want is for your best.

Im holding on with the TRUTH that is written in the bible, the word of God. The One who created us,” mensahe ni Izzy sa anak.

Nanindigan si Izzy na tututol siya sa anomang ginagawa ng kanyang mga anak na labag sa kaniyang pananampalataya.

Sinabi rin ni Izzy na sumasampalataya siya sa pagliligtas ng Panginoong HesuKristo sa krus at ang pagbayad nito sa kanyang mga kasalanan.

“Sino ba naman magulang ang gustong mapahamak ang anak? When all your motive is to save them sa mas masakit na pwede nilang maranasan. Ang buhay na wala si Kristo.”

“Andrei anak, I love you so much to not support you on things that will harm you. I am always here for you…your mama, mahal na mahal kita,” pagtatapos ni Izzy.

Hati ang netizens ng kanilang pag-sang-ayon at hindi pag-sang-ayon sa kanyang naging saloobin bilang ina.

GMA Public Affairs dapat papurihan

MULI na namang ipinamalas ng GMA Public Affairs ang husay sa paggawa ng mga dokumentaryo sa “Secret Slaves: A Jessica Soho Special Report on Human Trafficking” na ipinalabas nitong Linggo, September 10.

Bukod sa mataas na ratings ay trending din ito online. Isa nga ito sa top trending topics sa X.

Ayon nga sa viewers at netizens, talagang eye-opener ang dokumentaryong ito sa iba’t ibang kuwento ng pang-aalipin at pang-aabusong nangyayari sa likod ng madilim na mundo ng human trafficking, cybersex, pati na rin illegal organ trade.

Dahil sa komprehensibong report, makikita na talagang maraming alarming na nangyayari sa mga kapwa natin Pilipino na nakakubli lamang dahil hindi pinapansin ng nakararami.

Talagang dapat ding palakpakan sina Jessica Soho, Emil Sumagil, at John Consulta at ang buong team sa likod ng docu special sa kanilang effort at tapang na subukang ma-rescue ang mga biktima. Ganito ang klase ng reporting na kailangan sa panahon ngayon — naglalahad ng katotohanan habang umaaksyon.

Kudos GMA Public Affairs at sa lahat ng bumubuo ng Secret Slaves sa isang napapanahon at makabuluhang special report!

Rufa Mae ikunumpara ang mister sa ibang nakarelasyon

KINUWENTO ni Rufa Mae Quinto ang pagkakaiba ng kanyang asawa na si Trevor Magallanes mula sa ibang lalaki na nakilala niya.

“You feel at home. Hindi ka ninenerbyos. Kapag halimbawa hindi kami magkasama ngayon, hindi mo mafi-feel na ‘Ay bakit ang lungkot.’ Nakakalungkot, nami-miss ko silang mag-ama, pero hindi ‘yung feeling mo, ‘Ay bakit ganu’n?’” sey pa niya.

Ayon kay Rufa, may mga pagkakataon noon na masaya siya sa tuwing kasama niya ang kanyang boyfriend. Ngunit kapag hindi na sila magkasama, nakararamdam siya ng lungkot.

“Dalawang bagay lang pala ‘yun. Either mo mahal, or walang hiya siya,” ayon sa aktres.

Para sa kanya, mahalaga ring mahal niya ang isang tao.

“Sabi ko ‘Bakit ganoon, kapag magkasama kami tuwang tuwa ka, happy-happy? Tapos kapag lumalabas siya ng pinto, ang lungkot-lungkot. Doon ko rin na-realize na kailangan mahal mo rin ang tao, and at the same time you feel safe.”

Sa kabila nito, inilahad ni Rufa na ipinakita rin ng mga lalaking nakarelasyon niya ang pagmamahal at respeto sa kanya.

“Oo. Binigay naman nila, hindi lang talaga ako ready kasi nga marami akong gustong gawin. At ito nga ‘yon, ang ginagawa ko hanggang ngayon. Mas minahal ko lang po ‘yung mga tao at sarili ko.

Tapos hindi pa tamang panahon,” saad niya.

Ikinasal sina Rufa at Trevor noong 2016. May isa na silang anak na si Alexandria Athena.

AUTHOR PROFILE