Armamento SENTIMENTAL VISIT. Binigyan ng arrival honors si Lt.Gen. Rhoderick Armamento, (kaliwa) commander ng PNP-Area Police Command-South Luzon, ng Nueva Ecija Police Provincial Office sa pangunguna ni Col. Richard Caballero sa kanyang sentimental visit sa kampo kung saan siya unang nagsilbi bilang S-2 o chief intelligence officer noong 2002.

Ex-gen bumisita sa Ecija

June 20, 2024 Steve A. Gosuico 388 views

CABANATUAN CITY — Nagbalik sa kanyang dating “home base” sa Nueva Ecija 11 araw bago magretiro sa serbisyo sa Hunyo 30 si Lieutenant General Rhoderick C. Armamento, commander ng Area Police Command-Southern Luzon.

Binigyan ng arrival honors si Armamento ni provincial police head Colonel Richard V. Caballero at ng kanyang command group nang magsagawa ng kanyang sentimental visit sa Nueva Ecija police provincial office nitong Miyerkules ang heneral.

Kasama ni Armamento ang kanyang asawang si Ofelia at mga kaibigan nito. Nagpasalamat siya kay Caballero at sa buong NEPPO sa mainit na pagtanggap sa kanya.

Inamin ng kasalukuyang PNP-APC-SL commander na sa Nueva Ecija niya nakuha ang “sapat na kaalaman at kasanayan” nang maitalaga siya bilang S-2 o dating hepe ng Intelligence Branch ng NEPPO.

“Ito pong assignment ko sa NEPPO ang hindi ko malilimutan, kasi dito po nakumpleto ang aking pundasyon, lahat ng kasanayan, lahat ng karanasan, lahat ng magaganda at di-magandang bagay ay magkakasama na dito nabuo sa NEPPO at saksi po ang ibang mga kasamahan na nandito,” ani Armamento.

Sinabi ni Armamento na ang ganitong uri ng pilosopiya sa buhay ang gumabay sa kanya sa kabuuan ng kanyang 36 na taon ng aktibong serbisyo sa puwersa ng pulisya.

Sa kanyang tour of duty dito, naalala rin niya ang matagumpay na rescue mission kung saan hindi bababa sa walong katao ang nailigtas nila mula sa mga bubong ng mga bahay matapos humagupit ang malakas na bagyo sa lalawigan at binaha ang mga tulay ng Gapan at Talavera.

Sa Hunyo 28, bibigyan ng retirement honors at testimonial dinner si Armamento sa PNPA, Camp General Mariano N. Castaneda sa Silang, Cavite.

AUTHOR PROFILE