
LTO may bagong opisina sa Cebu
INIHAYAG ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza na ilalapit ang mga serbisyo ng ahensya sa publiko bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ito’y matapos buksan ang isa pang LTO Extension Office sa Naga City sa Cebu.
Ayon kay Mendoza, magpapatibay ang karagdagang extension at satellite offices sa mga pagsisikap para sa kumpletong digitalisasyon ng lahat ng serbisyo ng LTO.
Personal na nagtungo si Mendoza sa Naga City sa Cebu noong Hunyo 20 para sa inagurasyon ng LTO Extension Office.
Hinimok ni Mendoza ang mga empleyado ng LTO na isabuhay ang mga adhikain ng Bagong Pilipinas ng Pangulo na mabilis at komportableng mga serbisyo sa mamamayang Pilipino.
Nagpasalamat ang LTO chief sa mga kawani ng LTO para sa kanilang serbisyo na ngayon nagdudulot ng pagbalik ng tiwala at kumpiyansa ng mga Pilipino sa ahensya.