Dalaga DALAGA TUMALON – Binibigyan ng pangunahing lunas ng mga kawani ng Philippine Red Cross ang dalagang biktima matapos umano nitong tumalon mula sa ika-10 palapag ng isang gusali sa Malate, Manila, bago pa man dalhin sa pinakamalapit na ospital.

ESTUDYANTE TUMALON MULA IKA-10 PALAPAG

May 6, 2023 Jonjon Reyes 484 views

PALAISIPAN ngayon sa mga kapulisan ang ginawa umanong pagpapakamatay ng isang 21-anyos na dalagang estudyante na tumalon mula sa ika-10 palapag ng isang gusali sa Malate, Manila.

Nagawa pang bigyan ng pangunahing lunas bago pa man maisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktimang dalagang estudyante ng Mapua Institute of Technology, matapos umano nitong tumalon mula sa ika-10 palapag ng Goldmine Tower Condominium sa P. Ocampo Street, Malate, gabi nitong Biyernes.

Itinago sa pangalang “Andrea” ang dalaga na tubong San Rafael Street, Sibacan, Balanga, Bataan, at nanunuluyan sa Goldmine Tower Condominium.

Base sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, bandang 11:56 ng hating-gabi nang maganap ang insidente kaugnay sa pagtalon umano ng dalaga sa nasabing lugar at bumagsak ito sa parking area ng SLTEAS Phoenix Solution Incorporated sa naturang condominium.

Agad na nagresponde sina Det. Christian Joseph Pineda at Det. Jervy Macarasig ng Homicide Section sa Manila Adventist Hospital kung saan isinugod ng ambulansya ng Philippine Red Cross ang dalaga dakong 1:36 ng madaling araw kasama ang apat na kawani.

Nabatid sa pagsisiyasat na pasado 3:56 ng madaling araw ng Sabado ng idineklarang patay na ang dalaga ni Dr. Rodel Capule, ang attending physician ng naturang ospital.

Gayunman, isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng pulisya ang insidente para malaman ang tunay na dahilan kung bakit nagpakamatay umano ang dalaga. Inaalam din ng pulisya kung may foul play sa insidente.

AUTHOR PROFILE