Default Thumbnail

Eleazar sa mga dalaga: True love darating kahit sa mga siga

February 17, 2022 Marlon Purification 317 views

Marlon PurificationDAMI natuwa sa Valentine message ni dating PNP chief at senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar para sa mga single na kababaihan.

Magtiyaga lamang daw ang mga ito sa paghihintay para dumating ang kanilang inaasam na “true love.”

Ibinahagi ni Eleazar na sa kanyang unang assignment matapos ang graduation sa Philippine Military Academy (PMA), itinalaga siya sa isang kampo-militar sa Lucena City at isang araw ay pinag-uusapan doon ang pagbisita ng anak na babae ng isang opisyal ng Judge Advocate General’s Office (JAGO).

Sa una, ayon kay Eleazar, ay di niya alintana ang usap-usapan dahil nakatuon ang kanyang pansin sa utos ng isa pang nakatataas na opisyal.

Pero nang umabot na ang usap-usapan sa mismong opisina kung saan siya nakatalaga, naging “curious” na din ang noo’y tinyenteng si “Guillor” at nagpasyang maki-usisa.

Inamin ni Eleazar na hanggang ngayon ay di niya nalilimutan ang sandali na unang makita si Rosalie, tinatawag na “Lally” ng mga kaanak at kaibigan, sa loob ng kampo.

“The moment I first laid my eyes on her, there’s this unexplained feeling that she’s the one,” ani Eleazar.

Ang naging problema noon, aniya, ay walang ni isang naglalakas-loob na lumapit man lang kay Lally dahil kilala ang ama nito sa pagiging istrikto at “protective” sa nag-iisang anak.

Maging ang noon pa ma’y siga nang si Tinyente Guillor ay saklaw ng pangambang iyon pero, gaya nga ng kasabihan, pag-ibig ang pinakamabisang pinagmumulan ng tapang, at dito siya humugot ng lakas ng loob na harapin ang ama ni Lally upang magpaalam na ligawan ang unica hija.

Di naglaon, ikinasal sa huwes si Guillor at Lally, na noo’y isang flight attendant, noong Pebrero 17, 1992 at matapos ang dalawang taon ay nagpakasal na sa simbahan.

Ipagdiriwang ng dalawa ang kanilang ika-30 wedding anniversary sa darating na Pebrero 17.

Kilala si Lally sa pagiging supportive sa kanyang mister noong si Guillor ay nasa serbisyo pa, at magpahanggang ngayon kung saan siya’y kasama sa campaign sorties nito sa iba-ibang bahagi ng bansa.

Kamakailan lamang, nag-viral pa ang Tiktok video kung saan makikita ang mag-asawa na sinasayaw ang popular na “Paro-Paro G” na ngayon ay mayroon nang mahigit dalawang milyon na view at libu-libong likes at comments.

“Para sa mga hindi pa nakikita ang kanilang ‘the one’ ay hintay ang tayo at baka naman naka-quarantine o naka-lockdown pa ang para sa inyo, o baka naman kakapanganak pa lang ng inyong magiging true love,” biro ni Eleazar.

Pero kasabay nito, iginiit niya ang kahalagahan ng pamilya na siya pa ring pinagmumulan at tunay na sentro ng pag-ibig, gaya ng ibinahagi sa kanya ng kanyang magulang.

“Kung pag-ibig din naman ang pag-uusapan ay to infinity and beyond ang ipinakita at patuloy na ipinapakita ng mag nanay at tatay natin,” ani Eleazar.

“Pamilya naman talaga ang sentro ng pag-ibig kaya tayo ay nagkakanda-kuba sa pagtatrabaho at pagsasakripisyo kaya ito din ang tutukan at ilalaban natin—ang proteksyon ng bawat Pamilyang Pilipino laban sa mga krimen at ang pagtitiyak na patas ang laban sa mga oportunidad sa serbisyo ng ating pamahalaan,” aniya pa.