Default Thumbnail

Dugtong buhay ng Fil-Indian community

July 3, 2021 Marlon Purification 690 views

Marlon PurificationLUMAWAK pa ng lumawak ang tulong na ginagawa ng Filipino Indian Commerce and Welfare Society Inc. (FICWSI) sa pangunguna ng kanilang pangulo na si James Kumar.

Kaya naman pati si PNP chief, General Guillermo Eleazar ay proud sa pagpapakilala sa grupo ni Kumar bilang mga dayuhang may pusong Filipino.

“Sila ang mga dayuhang may pusong Filipino na kusang loob na nagmamalasakit sa ating mga kababayan lalo na sa panahon ng pandemya at kalamidad. Sila po ay andito at sumusuporta sa atin,” pahayag ni Guillor nang ipakilala si Kumar at ang buong Foreign National Keepers Network (FNKN) kay Pangulong Rodrigo Duterte sa grand launching ng Global Coalition of Lingkod Bayad Advocacy Groups and Force Multipliers.

Sa naturang okasyon, personal na nanumpa si Kumar bilang opisyal ng FNKN kasama ang iba pang dayuhan.

Kung pag-uusapan ang pagtulong, hindi lamang pamamahagi ng iba’t ibang ayuda nakatutok ngayon ang organisasyon ni Kumar at sa halip ay sinimulan na rin nila ang bloodletting program.

Ilang Indian nationals mula sa Maynila ang nagboluntaryong mag-donate ng kanilang dugo sa Dasmarinas, Cavite.

Ang programa ay inisyatibo ni Kumar katuwang ang Philippine Red Cros.

“In this time of the pandemic where so many people are getting sick, it is good to donate blood. There is nothing nobler than being an instrument in saving lives,” pahayag ni Kumar.

Nag-donate din ang FICWSI ng multivitamins at iba pang gamot sa mga residente ng Palawan.

Kabuuang 1,000 Palawanos ang tumanggap ng multivitamins at mga gamot laban sa hypertension, blood sugar problem, ubo at ilan pang antibiotics.

Ang suplay ng mga gamot ay tatagal ng may 60 araw at ang pamamahagi nito ay pangungunahan ni Dr. Myrna Reyes.

Sinuportahan din ni Kumar ang programa ni NCRPO regional director Brig. Gen. Vicente Danao Jr., ang NCRPO SIBOL ng Malasakit Livelihood Training Center, sa pamamagitan ng cash donation.

Ag training center ay itatayo sa loob ng kampo ng NCRPO at target na maging benepisyaryo ay mga drug surrenderees na pagkakalooban ng akreditasyon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Nagpapatuloy din ang pagsuporta ni Kumar sa Barangayanihan ng PNP.

Ang pinakahuling pag-ayuda ni Kumar ay ang donasyong 750 bags ng bigas at kahong-kahong canned goods at noodles kay Pasay Chief of Police Col. Cesar Paday-os.

Bukod sa pagiging negosyante at major player sa pagtulong sa mga kababayan natin sa gitna ng COVID-19 pandemic, si Kumar ay adopted member ng PNPA Sandigan Class ’94.

Saludo tayo sa ipinagpapatuloy na adbokasiya ni Kumar at umaasa tayo na magtutuloy-tuloy ang kanyang pagtulong sa mga nangangailangan.