Default Thumbnail

Ang barya ay ligal na pambayad

July 3, 2021 Magi Gunigundo 1127 views

Magi GunigundoANG perang Pilipino, barya man o kwaltang papel, ay ligal na pambayad sa lahat ng utang o pananagutan sa pribado at pampublikong sektor, at ito ay hindi maaaring tanggihan ng taong binabayaran nito sa Pilipinas (Art. 1249 ,Civil Code). Ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, ang may kapangyarihan na maglimbag at ipalabas sa sirkulasyon ang perang Pilipino (Sec 50 at 52 ng RA 7653 na inamyendahan ng RA 11211). Garantisado ng ating Pamahalaan ang perang Pilipino.

Mabigat sa bulsa ang P100 barya kesa sa P100 kwaltang papel. Subalit, dahil yari ito sa metal, ang barya ay higit na mas matagal ang buhay sa sirkulasyon kesa sa kwaltang papel na yari sa papel na nalalamukot, nababasa o napupunit. Bukod pa rito, ang barya ay madaling salatin ng mga bulag.

At kahit na hindi nawawala ang katangian bilang ligal na pambayad ng kwaltang papel na punit, luray-luray na o di kaya ay ng bugbog sa dami ng humawak nito sa merkado, pinapapalitan ko sa kahera ang kanyang sinusukli sa akin na huklubang kwaltang papel. Hindi naman kawawa ang kahera. Idedeposito niya ang mga ito sa kanilang bangko na may obligasyon na kolektahin ang mga huklubang kwaltang papel. Ipapadala nila ang mga ito sa BSP. Ito ang magbibigay daan para maglimbag ng bagong kwaltang papel ang BSP na ibabalik sa sirkulasyon pagkaraan sunugin ang mga lumang kwaltang papel. Malaki ang ginagastos ng BSP para maglimbag muli ng kwaltang papel para mapalitan, lalo na kung magpapasko, ang mga lumang kwaltang papel sa sirkulasyon.

Ayon sa BSP , mayroon 4.1 bilyon piraso ng kwaltang papel na nagkakahalaga ng P1.7 trilyon at 34.9 bilyon piraso ng barya na nagkakahalaga ng P46.3 bilyon ang nasa sirkulasyon noon Hulyo 31 , 2020 (hindi kasali dito ang mga espesyal na kwaltang papel at barya na inilalabas sa paggunita ng mga makasaysayang pangyayari).

Gayunpaman, kung puro barya ang ibabayad sa utang o obligasyon, ang mga barya sa denominasyon na P1.00, P5.00, at P10-piso, ay ligal na pambayad sa halagang hindi hihigit sa P1,000 habang ang mga barya sa denominasyon na mamera, singko, diyis, at bente singko sentimo ay ligal na pambayad sa halagang hindi hihigit sa P100, alinsunod sa BSP Circular No. 537, Serye ng 2006.

Dahil dito, walang dahilan ang isang empleyado sa Valenzuela City na magreklamo kung puro barya ang ibayad sa kanya bilang sweldo para sa dalawang araw na trabaho , basta hindi ito lumalampas sa mga halagang binanggit ng BSP Circular 537 , Serye ng 2006. Nililinaw ko na ibang usapin ang hindi pagbabayad ng negosyante ng tamang minimum wage at iba pang benepisyo sa empleyado.

Barya lang po sa umaga ang pakiusap ng tsuper ng pampasaherong jeep sa kanyang mga pasahero dahil kapapasada pa lang niya. May dalawang tanong na mabubuo dito. Una, kulang ba ang barya sa sirkulasyon? Pangalawa, may parusa ba ang batas sa mga ayaw magsukli ng eksakto?

Sabi ng BSP, hindi kulang ang barya na nasa sirkulasyon. Halos 52.29 % ng 34.9 bilyon piraso ng mga barya na nasa sirkulasyon ay mga denominasyon ng mamera, singko, diyis at bente singko sentimos. Sapat ito na maaaring magamit ng mga may-ari ng negosyo sa pagbibigay ng eksaktong sukli sa publiko. Ang bilang ng mga barya na nasa sirkulasyon ay katumbas ng 318 piraso bawat Pilipino. Ang kakulangan ng mga barya ay dahil sa ugali ng mga tao na magtabi ng mga barya sa alkansya, kahon, wallet jars at donation counters, atbp. Pampasuwerte o pag-iimpok para sa tag-ulan ang nasa isipan ng marami. Samakatuwid, ang problema ay hindi sa bilang ng barya bagkus ay sa muling pag-ikot ng mga barya sa ating ekonomiya.

Dahil dito, ang BSP ay mayroon Coin Recirculation Program sa pakikipagsosyo sa iba pang mga stakeholder tulad ng mga asosasyon ng mga bankero, ng mga nagtitingi, mga institusyon ng kawanggawa at mga ahensya ng gobyerno. Ang BSP ay maagap na itinataguyod sa mga Pilipino ang kahalagahan sa kultura at pang-ekonomiya ng perang Pilipino at pagbuo ng ugali ng regular na paggamit ng mga barya sa pagbabayad ng mga kalakal at serbisyo at sa pagbibigay ng eksaktong sukli.

Inaatasan ng RA 10909 , ang batas sa tamang pagsusukli , ang mga negosyante, malalaking kumpanya o maliit, at impormal na negosyante, na magbigay ng eksaktong sukli sa kanilang mga customer dahil nilalayon ng batas na matiyak na ang mga customer ay protektado mula sa hindi pagtanggap ng kanilang naaangkop na sukli o mula sa pagtanggap ng ibang bagay tulad ng kendi o voucher na hindi naman ligal na pambayad.Ang lalabag sa RA 10909 ay maparusahan ng multa P500 o 3% ng panglahatang benta ng negosyo sa araw ng paglabag, kung alinman ang mas mataas. At kung patuloy ang paglabag ng negosyo, aabot ang multa sa ₱ 25,000.00 o 10% ng gross sales ng negosyo sa araw ng paglabag, kung alinman ang mas mataas, at babawian ng lisensya ang negosyo.

Ligal magbayad ng barya. Iligal ang hindi eksaktong sukli na nangangailangan ng barya.

AUTHOR PROFILE