Default Thumbnail

Driver patay, 1 sugatan sa madugong inuman sa Sto. Tomas

February 27, 2023 Jojo C. Magsombol 271 views

PATAY ang isang driver at sugatan naman ang kasamang welder kamakailan matapos pagsasaksakin ng kainuman dahil umano sa mainitang pagtatalo na naganap sa Purok 7, Barangay San Antonio, Sto. Tomas City, Batangas.

Ayon sa Sto. Tomas Police, nasawi ang 43-anyos na driver samantalang sugatan naman ang isang welder, 44, na residente sa nasabing lugar.

Ang insidente ay isinuplong ng isang security officer sa mga awtoridad dakong alas-8 ng umaga, Pebrero 24.

Batay sa imbestigasyon, nag-iinuman ang suspek, na residente rin sa lugar, kasama ang dalawang biktima na bigla umanong nagtalo at nauwi sa sigawan.

Inundayan umano ng saksak ang driver ng suspek at nadamay rin ang welder na nagtangkang awatin ang dalawa.

Dahil dito, mabilis na isinugod sa ospital ang dalawang biktima habang tumakas naman ang suspek dala ang isang kitchen knife na ginamit sa pananaksak.

Idineklarang patay ang driver sa pinagdalhang pagamutan habang ang isang biktima ay patuloy na ginagamot sa Batangas Medical Center.

AUTHOR PROFILE