Allan

Double dead sa bigas

March 6, 2024 Allan L. Encarnacion 117 views

MABIGAT sa kalooban ang isyu ng NFA rice na naging sanhi ng suspensiyon ng mga opisyal nito.

Ang alegasyon ng pagbebenta ng bagsak-presyo sa umano’y “luma” na well milled NFA rice sa mga commercial traders ay isang klase ng hampas sa kabayo pero sa kalabaw ang latay.

Habang ang mga kababayan natin ay nakukuba na sa pagbili ng mahal na bigas, may mga inaakusahang NFA officials na pinaboran ang mga commercial rice traders.

Bagama’t ang suspensiyon ng Ombudsman sa NFA officials ay hindi nangangahulugan ng guilty na sila, naroon pa rin ang sinasabing maling pasya ng pagbenenta ng bigas sa mga hindi dapat.

Una, sinasabing walang public bidding at walang awtorisasyon mula sa NFA council ang kanilang ginawa.

Ang hirap lunukin ng senaryo na binili ng commercial rice traders ang NFA rice sa murang halaga tapos ipagbibili naman sa Pinoy consumers sa mas mahal na presyo. Kung hindi double dead ang tawag dito, hindi ko na alam kung ano pa ang puwedeng deskripsiyon.

Ito iyong sinasabi ko, kapag nasa gobyerno ka, nasa iyo na sana ang lahat ng kapangyarihan para paglingkuran ang bayan sa abot ng iyong kakayahan. Sa isyu ng bigas, hindi naman kailangang maging rocket scientist para maisip mong ilabas mo na lang ang mga bigas na yan sa mga palengke or kadiwa center at doon mo ibagsak ang presyo para mabili ng mga ating mga kababayan.

Kung ako ang NFA Administrator, idemanda nyo na ako kahit saang korte, kahit pa walang council approval, ibabandera ko sa merkado ang mga bigas na yan sa presyo na kahit palugi para lang pakinabangan ng ating mga kababayan. Sabihin na nating ang puhunan ng pamahalaan sa pagbili ng bigas at P23.00 kada kilo, kahit hindi na patubuan, ibenta na rin sa ganoong presyo para makabalik lang ang puhunan.

Hindi ko ma-imagine na si Pedrong negosyante ay bibili ng NFA rice sa halagang P25 tapos ibenenta niya sa merkado sa halagang P48! Baka nga iyong mas magandang klase ay maipasa pa sa P55 kada kilo. Sakit di ba?

Malaking tulong sana kay Pangulong Marcos kung logical lang mag-isip ang mga nasa NFA, lalo na’t ang pangunahing isyung ibinabato sa kanya ay ang P20 bigas kada kilo.

Umaasa tayong sa pag-take over ni DA Secretary Kiko Laurel bilang acting administrator ng NFA ay magkakaroon ng mga bagong polisiyang pambayan.

[email protected]