
DongYan may ilangan bilang mag-asawa sa ‘Rewind’
INAMIN ng celebrity couple na sina Marian Rivera at Dingdong Dantes ang pagkakaroon nila ng ilangan sa ilang eksena bilang mag-asawa sa kanilang pelikula na ‘Rewind.’
Ang pelikulang ‘Rewind’ na pinagbibidahan ng DongYan ang kauna-unahang collaboration ng Kapuso couple sa Star Cinema ng ABS-CBN kung saan opisyal na entry sa gaganaping Metro Manila Film Festival (MMFF) 2023.
Sa panayam kasama ang King of Talk na si Boy Abunda sa kanyang show na “Fast Talk With Boy Abunda,” ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen na mas madali para sa kanyang gampanan ang kanyang roles noon.
Paliwanag ni Marian na mas nadadalian daw siya noong hindi pa sila opisyal ni Dingdong sa tuwing gagampanan ang role na magkarelasyon sila ng aktor, dahil iyon daw ang hinihingi ng scenes at ng direktor na gawin nila.
“Ang hirap kasi example hindi naman kami magkarelasyon before, pero kailangan namin siya gawin kasi ‘yun ‘yung character na hinihingi samin ng director,” sey ni Marian.
Saad pa niya na nakakaramdam daw siya ng “offness” sa pagganap sa role ng nasabing pelikula, dahil malalaman daw ng mga manonood kung paano sila bilang mag-asawa.
“Pero ngayon na mag-asawa na kami parang na-o-off kami, malalaman niyo kasi kung paano kami as mag-asawa,” pahayag ni Marian.