Parade1

MMFF Parade of Stars, dinumog ng fans… Ate Vi, ’di kinayang mag-join sa parada

December 16, 2023 Ian F. Fariñas 189 views

ParadeParade2Parade3Parade4Parade5Parade6Parade7Parade8Parade9GAYA ng kanilang ipinangako, nagsidalo sa isinagawang Parade of Stars ng 49th Metro Manila Film Festival ang malalaking bituin na may kanya-kanyang entry sa taunang pestibal na magsisimula sa December 25.

Nagpatalbugan sa mga float ang sampung official entries: Penduko, Rewind, Mallari, When I Met You in Tokyo, Family of Two (A Mother and Son Story), Broken Hearts Trip, Firefly, Gomburza, Becky and Badette at Kampon.

Kanya-kanya silang paandar sa mga ’di magkamayaw na fans na talaga namang pumuno sa kalsada ng Camanava area.

Siksikan nga ang fans na nag-abang, kumaway at tumili sa float ng bawat entry at positibong senyales ito na ganu’n din kainit ang gagawin nilang pagtanggap sa mga ito sa sinehan ’di lang sa opening day kundi sa buong stretch ng MMFF.

Namataan sa parada ang big stars gaya nina Marian Rivera at Dingdong Dantes (Rewind) Sharon Cuneta, Alden Richards, Miles Ocampo (Family of Two), Matteo Guidicelli, Kylie Padilla at Phoebe Walker (Penduko), Piolo Pascual at Janella Salvador (Mallari), Derek Ramsay, Beauty Gonzalez at Zeinab Harake (Kampon), Enchong Dee (Gomburza), Eugene Domingo at Pokwang (Becky and Badette), Christian Bables (Broken Heart’s Trip) at Alessandra de Rossi at child star Euwenn Mikaell (Firefly).

Missing naman si Vilma Santos-Recto sa float ng When I Met You in Tokyo na tanging sina Christopher “Boyet” de Leon, Cassy Legaspi, Darren at Lyn Cruz ang sakay.

Obviously, hindi na kinaya pang dumalo at magbilad sa matinding init ng katawang lupa ng Star for All Seasons dahil nagkasakit nga siya sa sobrang tindi ng pagpo-promote nila ni Boyet.

Sa grand mediacon pa lang ng pelikula ng JG Productions nu’ng Huwebes, eh, virtual na lang sumali si Ate Vi dahil sa sama ng sipon.

Ang mag-asawang Marian at Dingdong naman, lagare kahapon. Bago sumugod sa Camanava, nagawa muna nilang mag-guest para mag-promote ng Rewind sa It’s Showtime ng ABS-CBN sa kauna-unahang pagkakataon.

Anyway, siguradong ginastusan ng producers ang bawat float na ang ilan pa nga, eh, may sariling mga airconditioned standby lounge areas tulad ng sa Mallari at When I Met You in Tokyo.

Habang umaandar, pasiklab kung pasiklab ang drama ng Mallari float na kumpleto pati ng pa-smoke at pa-confetti machines.

Kaya naman ang tumayong host ng parada na si Candy Pangilinan, pabirong nagsumbong kay Navotas Mayor John Rey Tiangco na nagkakalat ang float nina Piolo at Janella.

Bandang alas-dos ng hapon nagsimula ang pag-usad ng floats mula sa Navotas Centennial Park at nagtapos sa pamamagitan ng isang programa na idinaos sa Valenzuela People’s Park.

Ayon kay MMDA Acting Chairman at MMFF Over-All Chairman Atty. Don Artes, 1,000 personnel, kabilang ang traffic enforcers, members ng Road Emergency Group, Public Safety Division, Sidewalk Clearing Operations Group, Towing and Impounding Group at Traffic Engineering Center, ang dineploy ng ahensya para siguruhin ang kaayusan ng parada.

Ang MMFF 2023 ay tatakbo mula Dec. 25, 2023 hanggang Jan. 7, 2024 habang ang Gabi ng Parangal ay nakatakdang idaos sa Kia Theater sa Dec. 27.

AUTHOR PROFILE