
Direk Dolly, nanghihinayang sa SethDrea chemistry
PAGKATAPOS mapanood ang preview ng musical drama series na Lyric and Beat, parehong nakaramdam ng panghihinayang ang SethDrea tandem nina Seth Fedelin at Andrea Brillantes sakaling ito na nga ang huli nilang pagtatambal sa screen… for now.
Marami ang nanghihinayang sa chemistry at husay ng dalawa, kabilang na ang direktor nilang si Dolly Dulu, na puring-puri ang young loveteam dahil sa pagiging professional kahit may pinagdaraanan habang kinukunan ang Lyric and Beat.
Ani Andrea sa grand mediacon ng nasabing original iWantTFC musical drama series, “Ako rin naman naramdaman ko rin naman ho ’yon after watching it. Hindi ko rin naman idi-deny. Sayang naman, but not the relationship talaga, kasi hindi ko ’yun mapipilit. Wala ho sa kamay ko ’yon.
“Pero at the same time, masaya rin ako at proud ako na kung ito man po ang magiging last project ng SethDrea, masaya ako na ito ’yon kasi napakagandang proyekto ito at alam kong ginalingan ho talaga namin at masaya ako na ito ’yung maibibigay namin sa SethDrea fans ho namin.”
Dugtong niya, “Saka kung magkaka-season 2 man po, hindi pa rin huling project ng SethDrea.”
Alam daw ni Direk Dolly at ng mga kasamahan nila sa Lyric and Beat ang pinagdaraanan ng SethDrea sa shoot, hindi nga lang nila pinag-usapan sa set.
Anang direktor, to be fair sa SethDrea, kahit ganu’n, pagdating sa trabaho ay professional silang humaharap kaya lutang pa rin ang chemistry.
Sang-ayon si Seth sa sinabi ng direktor. Maging siya raw, nang manood sa preview, sinabihan si Andrea ng, ‘Ang galing mo!’
“Sinabi ko talaga sa kanya. And nagulat din ako dahil kami ’yung talagang may alam kung ano ’yung nangyari, pero nakita ko du’n na parang Kadenang Ginto pa lang. Parang first time naming nagtrabaho,” sey ng batang aktor.
Sa ngayon, ayaw magsalita nang patapos ng SethDrea kung ito na nga ang huli nilang pagsasama bilang mag-screen partner.
“For now,” hirit ni Seth.
Sakaling magkaroon muli ng tsansa, aniya, “Eh, sino po naman ako para tumanggi? At ang liit lang po naman ng abs. (Ang mahalaga) ’yung ngayon po, so, abangan na lang po nila ’yung more episodes.”
Anyway, magsisimula ang serye sa kwento ni Lyric (Andrea), isang dalagang gustong maging isang sikat na mang-aawit tulad ng yumaong ina. Makikilala niya ang iba’t ibang estudyante sa prestihiyosong Philippine National Conservatory of Music (PNCM), kabilang na nga si Beat (Seth), isang introverted freshie na maiimpluwensyahan niyang malampasan ang stage fright.
Nakapaloob sa musical drama series ang ilang awiting nilikha ng Star Music exec na si Jonathan Manalo na bibigyang-buhay ng SethDrea kasama ang iba pang cast members na sina Darren Espanto, AC Bonifacio, Kyle Echarri, Sheena Belarmino, Jeremy G, Angela Ken at Awra Briguela.
Inspired ng hit film musicals na High School Musical at Camp Rock, ang Lyric and Beat ay mapapanood sa iWanTFC app (iOS and Android) at iwanttfc.com sa Pilipinas at Indonesia. Mapapanood din ito ng mga premium user sa iba’t ibang parte ng mundo simula August 10.