Default Thumbnail

Dinaragsa ang aplikasyon sa pambansang pabahay sa OFW

May 9, 2023 Marlon Purification 1784 views

Marlon PurificationPOSITIBO ang tugon ng mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) hinggil sa programa ng pamahalaan na pambansang pabahay para sa mga tinaguriang makabagong bayanı ng bansa.

Ayon kay OFW Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino, kahit noong unang apat na araw pa lamang nang ilunsad ang proyekto, mahigit sa 10,000 submissions agad ang naitala sa kanilang database.

Patuloy na lumalaki ito at inaasahang aabutin ng daang-libong bilang o milyon pang aplikante sa mga susunod na araw.

Ang Pambansang Pabahay para sa mga OFW ay pinagsamang proyekto ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng OFW Partylist.

Sinabi ni Cong. Marissa na ang natanggap na ‘submissions’ ay idadaan sa assessment, verification, at paghingi ng documentary requirements na itinalaga ng DHSUD.

“Pagkatapos malinis ang listahan ng DHSUD, aabisuhan po nila ang OFW Party List kung maaari na po tayo muling magbukas ng panibagong batch ng mga aplikante,” anang OFW Partylist representative.

Mismong si DHSUD Sec. Jose Rizalino ‘Jerry’ Acuzar ang nagtungo sa OFW Tulong at Serbisyo Center sa Ayala Malls Manila Bay upang pangunahan ang paglagda sa ‘memorandum of agreement’ sa pagitan nila at ng tanggapan ni Cong. Marissa.

Sa isang simpleng seremonya, sinabi ni Cong Marissa na malaking tulong para sa mga OFWs ang binalangkas at ikinasang “partnership” sa pagitan ng DHSUD at OFW Party List Group dahil binibigyang katiyakan ang na maibigay ang pangarap ng mga mga Pilipinong manggagawa sa abroad na magkaroon ng kanilang sariling bahay sa tulong ng DHSUD.

Ipinaliwanag ni Magsino na sa kabila ng napakalaking sakripisyo na ibinibigay ng mga OFW’s para sa kanilang pamilya at malaking kontribusyon din nila sa ekonomiya ng Pilipinas. Panahon na aniya upang magkaroon ang mga ito ng isang disenteng tahanan para sa kanilang pamilya sa halagang hindi magpapabigat sa kanila o presyong abot kaya ng mga mga OFWs.

Ayon kay Magsino, ang DHSUD umano ang magbibigay ng detalye patungkol sa housing project para sa mga OFWs kung saan, ang OFW Part List naman ang magiging kaakibat ng nasabing ahensiya para sa mga Pilipinong manggagawa sa abroad na nagnanais magkaroon ng kanilang sariling tahanan o nais maging benepisyaryo ng programang pabahay.

Nabatid pa sa kongresista na nagsimula na o ongoing na aniya ang housing project para sa mga OFW’s sa Bacolod City Marikina City, Quezon City, Tanauan Batangas, Palayan City, Zamboanga City, Iligan City, Roxas at Northern Samar provinces.

Ipinagmalaki ni Magsino na ang naturang proyekto ay isang malaking “accomplishment” ng OFW Party List sa unang termino nito sa ilalim ng 19th Congress. Kasunod ng pagpapasalamat nito sa suportang ibinibigay naman ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“Malaking para sa ating mga OFW’s itong MOA signing para sa pambansang pabahay project. Unang una, nagpapasalamat tayo kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at Secretary Acuzar dahil sa agarang aksiyon para naisakatuparan ang isa sa pinaka-munting pangarap ng ating mga OFW’s ang magkaroon ng kanilang sarili at disenteng tahanan. Panahon na para magkaroon sila ng kanilang sariling tahanan dahil napaka-laki ang kanilang kontribusyon sa ating ekonomiya,” ani Magsino.

Idinagdag pa ni Magsino na katulad ng mga housing project ng pamahalaan para sa mga uniformed personnel gaya ng mga sundalo at pulis.

Layunin din nila na magkaroon ng proyektong pabahay para sa mga OFW’s para magkaroon ng bunga ang malaking sakripisyo na ginagawa ng mga ito upang mabigyan nila ng magandang buhay ang kani-kanilang pamilya.

Binigyang-diin ng mambabatas na manatili pong nakaantabay sa Facebook page ng OFW Partylist para sa mga susunod na abiso ukol sa programang ito.

Humihingi rin siya ng pang-unawa sa mga hindi agad naaasikaso ng kanilang tanggapan at ng DHSUD, ngunit tinitiyak na lahat sila ay mapagbibigyan kung angkop ang kanilang mga isusumiteng requirments.