Hontiveros Sen. Risa Hontiveros Source: Risa Hontiveros FB

DAMI PA DRAMA, PAKITA KA!

March 15, 2024 PS Jun M. Sarmiento 105 views

Hontiveros ke Pastor Apollo

“I will request the Senate President Zubiri to approve the warrant of arrest.”

ITO ang tahasang sagot ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na siyang chair ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality, na siyang kasalukuyang nag-iimbestiga sa umano’y maanomalyang krimen ng founder at lider ng Kingdom of Jesus Christ, si Pastor Apollo Quiboloy.

Ang pahayag ni Hontiveros ay matapos matanggap ang sagot ng kampo ni Quiboloy sa kanyang ibinigay na show cause order, kung saan ay binigyan nito ng 48 hours ang kampo ni Quiboloy na tumugon kung bakit hindi siya dapat maaresto sa kabila ng patuloy niyang pagtanggi na humarap sa imbestigasyon sa Senado.

Nilinaw din ni Hontiveros na ang Senado ay hindi regular na korte kundi isang legislative body na gumagawa ng tamang batas at si Quiboloy ay ikukulong sa ilalim ng pakpak ng Senado hindi dahil siya ay guilty sa anomang krimen, kundi dahil hindi niya binibigyang respeto ang Kamara sa pagpapaharap sa kanya.

“Makukulong lang si Quiboloy sa Senado sa hindi pagdalo sa pagdinig, at hindi para sa mga mabibigat na paratang ng mga biktima laban sa kanya.” paglilinaw ni Hontiveros.

Idinagdag pa ni Hontiveros na bagama’t hindi kasama sa rules ang show cause order ay napilitan siyang pagbigyan ang kahilingan ni Senate President Juan Miguel Zubiri na gawin ito para maipakita din niya na patas ang kaniyang komite at handa siyang makinig sa suhestiyon na sa tingin niya ay makatuwiran.

“Request pa nila, iakyat daw sa plenary ang pag-determine ng show cause order. Sa totoo lang, wala nga sa rules ang show cause order. It was a courtesy extended to Sen. Robin, at the request of the SP. Kung wala nga sa rules ang show cause order, much less wala sa rules na kailangan ng hearing in plenary to resolve the show cause order,” paglalahad ni Hontiveros.

Ayon sa nakaugalian, ang pag-akyat sa plenary session ay magbibigay karapatan sa bawat miyembro ng Senado na bumoto na dapat ay sa komite lamang dadaan na hindi aniya regular na practice at rules ng mataas na kapulungan.

Ayon sa ulat, sinabi ng mga abogado ni Quiboloy na pormal na nilang isinumite ang 19-page document, sa pamamagitan ni Atty. Melanio Elvis Balayan.

Nakapaloob umano sa argumento na isinumite diumano ng kampo ni Quiboloy na ang nasabing pagdinig ay maliwanag na hindi in aid of legislation.

Iginiit din ng argumento ng kampo ng pastor na ito ay maituturing na usurpation o pangaagaw ng judicial functions o trabaho ng korte na hindi na saklaw ng Senado.

Sinasabi rin sa nakapaloob umano na sulat na hindi na makatuwiran pang dumalo si Quiboloy dahil nasintensyahan na umano ito ng komite ni Hontiveros ng guilty sa mga krimen na ibinibintang ng mga testigo, na maituturing anilang paglabag sa karapatang pantao ng pastor, lalo pa at hindi naman ito nasintensyahan pa ng korte sa anumang akusasyon na ibinibintang sa kanya.

Iginiit pa rin ng kampo ni Quiboloy na ang pagtanggi nilang humarap ay hindi para ipakitang wala silang respeto, kundi para mailahad lamang na ang korte ang tamang lugar na may lehitimong karapatan para litisin si Quiboloy.

Tiniyak din umano ng kampo nito na hindi darating ang pastor sa anumang pagdinig ng komite ni Hontiveros.

“Hanggat nakasalang po ang aming Compliance and Show Cause Order, hihintayin po namin ang tugon ng Senado sa aming Legal Compliance at from there, we will take it po kung ano ang the best legal avenue or legal actions we could take,” diumano’y sinabi ni Balayan base sa iba’t ibang ulat.

Ipinagkibit-balikat na lamang ni Hontiveros ang sagot ng kampo ni Quiboloy kung saan ay sinabi ng senadora na wala naman aniyang bago sa mga sinabi ng kampo ni Quiboloy sa kanilang isinumite na sagot sa show cause order.

“Ang mga issues na sinabi nila sa kanilang response ay pinahayag na din ng kanyang abogado sa unang pagdinig na pinatawag siya,” anang senadora.

Gayunman, sinabi ni Hontiveros na ang kanyang pagdinig ay patas at makatuwiran. Punto per punto din niyang idinetalye na ang kanyang pagdinig ay kaparehas din lamang ng sa iba pang senador, kung saan ay dinetalye niya ang iba-ibang pagdinig na isinagawa ng mga kapuwa senador na naging katanggap-tanggap naman noon sa buong kapulungan ng Senado at hindi nabatikos o nakuwestiyon ninuman, kundi ngayon lamang sa ilalim ng kanyang pagdinig kay Quiboloy.

“Sana po ay sinilip din nila ang precedents sa Senado. Ang ilang mga halimbawa: a.) Senator Cynthia Villar cited Davidson Bangayan in contempt and ordered his arrest even if criminal charges were already filed against him. b.) Senator Bato de la Rosa continued to hear the disappearance of Catherine Camilon even though charges were filed against the police officer believed to have killed her. c.) Senator Imee Marcos presented witnesses with covered faces and using aliases in her hearing on people’s initiative. d.) At si SP mismo, noong Senate hearings sa pagpatay kay Horacio Castillo, hindi niya tinanggap ang right against self-incrimination excuse at ginamit doon ang contempt power ng Senado. Dahil diyan naipasa ang Anti-Hazing Law of 2018 o R.A. 11053,” sabi ni Hontiveros.

Ayon pa kay Hontiveros, maliwanag na hindi korte ang Senado ngunit obligasyon nila bilang halal na senador na halukayin ang mga kasong tulad nito upang mapagtanto kung ano pang mga batas ang puwedeng idagdag para masigurong protektado ang maraming inosenteng mamamayan na nagiging biktima ng krimen dahil sa malabong pagbuo ng lehislatura sa ilang batas.

“As to the proposed resolution being incriminatory, uulitin ko — ang Senado ay hindi hukom. It cannot judge guilt or innocence. The Senate resolution is merely proposed. It binds the institution only when passed in plenary. And even then, it cannot be a source of rights, duties or liabilities,” giit nito.

At bilang tugon sa kaliwa’t kanang mga paglalahad ni Quiboloy at ng kampo nito laban kay Hontiveros, sinabi ng senadora na mas makabubuting sa komite na lamang siya magsalita upang matapos na ang bagay na ito.

“Magpakita na lang na si Quiboloy, bakit ba ang dami pa niyang drama,” ani Hontiveros.