Food Hubs

DA magtatatag ng food hubs

June 21, 2024 Cory Martinez 90 views

MAGTATATAG ang Department of Agriculture (DA) ng mga food hub para mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na makabili ng mas murang pagkain.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., magsisilbing daungan ng mga magsasaka at kooperatiba ang mga food hub.

Sa ganitong paraan, magkakaroon ng pagkakataon ang mga konsyumer at mga wholesale buyers na makabili ng mas murang produktong pang agrikultura.

“We lack food terminals in the country, places where buyers and sellers could transact on a wholesale level. This food hub will be part of the DA’s logistics roadmap,” paliwanag ni Tiu Laurel.

Layunin ng pinalawak na DA logistic roadmap na paigtingin ang kakayahan ng mga agricultural supply chains at pagsisiguro ng sapat na suplay ng pangunahing produktong agrikultura sa abot-kayang halaga lalo na sa mga lugar na mataas ang demand.

Ibinunyag pa ni Tiu Laurel na nakikipagnegosasyon ang DA para sa isang joint venture o long-term lease para d\sa isang ektaryang lupa sa Marikina BFCT Bagsakan Center bilang unang lokasyon ng food hub.

Inaasahang matatapos ang konstruksiyon ng food hub sa loob ng isang taon. Kasama sa itatayong food hub ang cold storage at mga dry warehouse na mahalaga sa pag-iimbak ng produktong pang agrikultura.

“While the management of these food hubs will fall under the Food Terminals Inc. (FTI), a KADIWA component will be integrated into their operations,”
dagdag pa ni Tiu Laurel.

Kabilang pa sa layunin ng proyekto ang madagdagan ang kita ng mga magsasaka at kooperatiba habang nabibigyan ng oportunidad ang mga konsyumer na mailapit sa kanila ang abot-kayang presyo na produktong agrikultura.

AUTHOR PROFILE