SPMC

CP bag sumabog sa restobar, 1 dedo

August 8, 2023 Zaida I. Delos Reyes 382 views

PATAY ang isang lalaki habang tatlo ang nasugatan sa pagsabog ng isang bomba sa loob ng isang restobar nitong Lunes ng gabi sa Davao City.

Nakilala ang nasawi na si Romnick Creer Nortarte, 31-anyos at residente ng Sitio Acacia, Barangay Tamugan, Marilog District, Davao City.

Ang biktima ay hindi na umabot ng buhay sa Southern Philippines Medical Clinic.

Ginagamot din sa naturang pagamutan ang iba pang biktima na sina Emilita Alegarme, 48; Loribeth Nocyeo, 50; at Rey Agliones, 32.

Batay sa ulat ng Davao City Police Office, ang insidente ay naganap dakong 10:50 ng gabi sa loob ng Emragila Restobar na matatagpuan sa Bgy. Calinan Poblacion, Davao City.

Sa inisyal na imbestigasyon, kumain ang mga biktima sa loob ng restobar nang makita ng mga ito ang isang puting cellphone bag na tila may apoy sa loob na nakalagay sa bintana ng establisimyento.

Inusisa ng mga biktima ang laman ng cellphone bag na bigla na lamang sumabog.

Agad na naisugod ang mga biktima sa pagamutan subalit isa sa kanila ang nasawi.

Sa ngayon, anggulong love triangle ang tinitignang motibo ng insidente.