Hearts

Christian, ayaw sa one-night stand

December 17, 2023 Ian F. Fariñas 134 views

MARRYING type pala si Christian Bables at hindi pumapatol sa pakikipag-one-night stand.

‘Yan ang isa sa mga nilinaw ng bida ng Metro Manila Film Festival entry na Broken Hearts Trip sa katatapos na thanksgiving at Christmas party for the entertainment press ng producers na sina Benjie Cabrera, Omar Tolentino, Power Up Workpool Inc., BMC Films at Smart Films.

Natanong kasi ng press si Christian kung sino ang bet niyang maka-one-night stand at nagbiro siya na pwede na ang stand-up comedian/co-star niyang si Petite.

“Opo, pwede na ‘to!” natatawang hirit ng aktor.

“Ako po kasi, siguro, hindi po kasi ako ma-one-night stand. Two nights, joke! Kailangan may matinding pagmamahal du’n sa relasyon. Hindi ako, I’m not the type of guy. Really, honestly. I’m not the type of guy na tawag nito, na for playtime, hindi, eh. ‘Date to marry’ kasi ako, sir, oo. Dahil siguro sa background na kinalakihan ko, ayaw ko ng playtime,” seryosong giit ni Christian.

Masyado umano siyang maraming pagmamahal na pwedeng ipamahagi. Katunayan, bet na nga niyang magkaroon ng sarili niyang pamilya.

Aniya, “Actually, gusto ko nang magkaanak. Kung bibigyan ng pagkakataon, gusto ko na magkaroon ng pamilya. Ayaw ko naman pilitin. Kapag binigay sa akin, go.”

Sa ngayon, unti-unti na nga siyang nag-iipon para sa future family. Ang bahay naman na ipinapatayo niya ay para sa nanay at mga kapatid niya.

“Gusto ko kasi magkakasama kami,” katwiran ni Christian. “Pero kung bibigyan ng pagkakataon ni God, malay mo ‘yung katabi or ‘yung malapit du’n (na lupa) para (naman) sa future family. 2025 pa matatapos. Nine hundred square meters, three floors. Dream house talaga.”

Sobrang grateful nga ang aktor sa lahat ng blessings na dumating at darating pa sa kanya ngayong 2023 kaya wala na siyang masasabi pang iba kundi puro pasasalamat na lamang.

Anyway, bukod kay Petite, kasama rin sa cast ng Broken Hearts Trip sina Andoy Ranay, Teejay Marquez, Marvin Yap, Petite, Iyah Mina at Jaclyn Jose.

Showing na ito sa December 25 mula sa direksyon ni Lemuel Lorca.

AUTHOR PROFILE