Default Thumbnail

Chiz: Gawin ang ‘Build, Build, Build’ sa kanayunan

December 9, 2021 Marlon Purification 330 views

Marlon PurificationGUSTO ko ‘tong panawagan ni comebacking Senator Chiz Escudero.

Dapat aniyang palawakin, pabilisin, at gawing labas sa mga sentrong panglungsod ang malalaking proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan.

Daan ito para sa pag-unlad sa kanayunan at higit sa lahat ay makalikha ng trabaho at oportunidad sa mga kababayan natin sa mga probinsiya.

Sinabi ni Escudero, kasalukuyang gobernor ng Sorgosogon province, habang nanlulupaypay ang ekonomya dahil sa matinding epekto ng pandemya, dapat paghandaan ng susunod na administrasyon kung papaano maikakalat nang pantay-pantay sa mga probinsiya ang mga proyektong pang-imprastruktura.

“Sana ang maging bagong konsepto ng ‘Build, Build, Build’ program ay hindi lamang nakatuon sa mga big-ticket projects at nasa malalaking probinsya o mga syudad. Huwag naman sanang iwanan ang mga malalayo at maliit na lugar sa mga infrastructure projects,” ani Escudero na isang beteranong mambabatas.

“Tama lang na ikalat nang patas at sapat ang mga proyektong pang-imprastruktura sa mas maraming lugar ng Pilipinas para makapaglikha ng trabaho nang hindi naman makulelat ang mga nasa kanayunan,” dagdag pa nito.

Si Escudero ay kumakandidato ngayon para sa isang bagong termino sa Senado sa ilalim ng partido ng Nationalist People’s Coalition (NPC).

Ayon kay Escudero, maaaring gawin sa kanayunan ang mga proyekto.

Ilan lamang sa mga ito ay ang karagdagang pagpapagawa ng kalsada, eskuwelahan, ospital, irigasyon, at imprastrukturang pang-agrikultura at pang-turismo.

Malaking tulong aniya ito para sa mga lokal na pamahalaan, na siyang pangunahing tagapagbigay ng empleyo sa maraming lugar, pagdating sa pagbibigay ng mga trabaho at kabuhayan sa kani-kanilang komunidad.

Nakalikha ng 6.1 milyong trabaho ang “Build, Build, Build” ng Duterte Administration mula 2016 hanggang 2020, base sa numero mula sa Department of Public Works and Highways at kung mangyayari ang panukala ni Chiz, tiyak na marami sa ating kababayan ang makikinabang.

Sa ganang akin, dapat ay gawin ito ng susunod na Pangulo ng bansa.

Dapat nga, kasabay ng Build, Build, Build sa mga probinsiya ay pag-igihin na rin ang urban planning para naman maisaayos ang problema ng baha.

Naniniwala kasi tayong kaakibat ng Build, Build, Build ay ang komprehensibo ring Urban Planning – hindi band aid solution kundi isang long term solution.