
‘Camouflage billings’ ng Maynilad at Manila Water
NAKAKATUWA kapag mataas ang common sense ng mga policy makers.
Alam na alam mong umiisip ng pagpapagaan ng buhay ng mga umaasa sa kanilang mga ginagawa. Isa na marahil dyan ay ang Meralco billings.
Mula sa dating napakahirap basahin at sangkatutak ang letra’t numero na pagkaliliit, malaki na ang improvement nila. Suwabe na, malalaki ang numero at letters at madali mong malalaman ang mga gusto mong malaman mula sa dapat bayaran at kung ilang watts na karaniwang nakokonsumo. Kasama na ang due date.
Sana all.
Hindi ko alam kung wala pa sa inyo ang nahilo sa pagtingin ng biling ng Manila Water at Maynilad. Sa laki ng kanilang kompanya, wala man lang bang makaisip na padaliin ang kanilang mga billing statements?
Saan ka naman nakakita ng mga water billing na para kang naghahanap ng karayom sa talahiban? Iyon mismong paper billing nila ay nilagyan pa ng super impose ng kanilang mga logo na kulay asul at dilaw tapos iyong maliliit na numero and letra ay natabunan na ng mga layoout.
Napaka-microscopic na ng mga details, tinabunan pa ng kung anu-anong layout!
Alam nyo iyong mga napapanood natin sa sine na kulay berde ang mga damo tapos iyong mga sundalong gumagapang ay nakakulay berde rin, may alkitran pa sa mukha at halos hindi gumagalaw.
Ganoon ang paper billing ng Manila Water at Maynilad, kailangan asintado ka at beterano kang spiner para makita mo kung magkano ang iyong nakonsumo at kung kailan ang iyong disconnection!
Baka kailangan nyo naman ng layout artist papahiramin na lang namin kayo. Or baka puwede nyong kunin iyong nag-iisip sa Meralco billing para umayos-ayos naman ang inyong paraan ng paniningil sa mga customers?
Magbabayad ka na nga, pahihirapan ka pa.
***
Hindi pa nga natin malutas ang problema sa pagdami ng mga tricycle na naglipana sa mga national roads, hayun, dumagdag pa ang mga e-bike at mga e-trike.
Ang laki pala ng problema natin sa mga e-trike na parang tuktok ng Thailand kasi wala palang lisensiya ang mga nagmamaneho nito pero wala silang limitasyon na puwedeng daanan,
Iyong e-bike at trolly type hindi masyado delikado pero iyong e-trike na pumapasada na rin ang iba ay malaki ang problema natin.
Hindi ko alam kung darating pa ang panahong magiging zero tricycle ang ating mga major roads dahil walang totohanang kampanya laban sa kanilang illegal na pagdaan sa mga major roads.
Minsan, nakikipagkarera pa sa mga four-wheel vehicles ang mga tricycle na ito.
Ngayon naglipana pa ang mga e-trike, lalo nang sumakit ang ulo natin sa pagdami nila.
Hay MMDA.