Tan

Cacao farming nagbigay extra kita, pag-asa sa taga-Quezon

July 4, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 1138 views

NAGKAROON ng extra income ang 1,200 indibidwal sa pamamagitan ngpagtatanim ng “cacao” na pangunahing raw material sa patok na Tangerine dark chocolate, tablea at chocolate yema ng Four K Kakao Farm sa lalawigan ng Quezon, ayon sa isang kongresista.

Sinabi ni Quezon 4th District Rep. Angelina “Helen” Tan, tinaguriang Reyna ng Tsokolate sa Luzon, na kanyang naging livelihood project ang “cacao farming” para sa kanyang constituents na nagsimula sa kanyang hilig sa tsokolate kung saan maganda naman sa kalusugan ang dark chocolates.

“Nagsimula ito sa aking passion sa tsokolate hanggang sa makakilala ako ng agriculturist na eksperto dito. Nakita ko ang malaking potensiyal ng cacao farming bilang alternatibong source of income par sa aking constituents,” ani Tan, chairperson ng House committee on health, na layuning makilala ang Quezon sa produksiyon ng cacao. “Binibili ng Four K Kakao Farm ang mga ani ng ating cacao farmers para ating i-proseso.”

Idinagdag ni Tan ang patuloy na pagpapalawak ng taniman ng Four K Kakao Farm upang habulin ang lumalaking pangangailangan sa produksiyo ng raw material.

“Madalas lang daanan ng bagyo ang Quezon kaya naghahanap kami ng magagandang lugar para taniman ng mga puno ng cacao na tumutubo sa tropical countries katulad ng Pilipinas,” ayon kay Tan na nagsabing patok ang industriya ng pagtatanim ng cacao sa Davao at Bohol.

Ginagawa ang Tangerine dark chocolate, tablea at chocolate yema ng mga magsasaka ng kakaw sa Quezon at mga kasapi ng Kakao Integrated Development for Livelihood and Transformation or KIDLAT, isang organisasyon ng marginalized farmers na inorganisa ni Tan.

Nitong nakalipas na Mayo 25 hanggang 31, ibinida ang mga produkto ng cacao farmers sa taunang “Kalakal Quezon” ng Department of Trade and industry (DTI) na ginanap sa SM City Lucena, Mall Atrium upang palakasin rin ang pagsasaka ng cacao sa Calabarzon, lalo na sa Quezon.

Layunin ng programa ng DTI na isulong ang promosyon ng lokal na mga produkto ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa Quezon sa ilalim ng temang “Support Lokal, Shop at Kalakal.”

Pinangunahan naman ni Tan ang paglinang ng cacao farming sa lalawigan ng Quezon sa sinimulan sa siyam na bayan sa kanyang distrito na kinabibilangan ng Atimonan, Plaridel, Lopez, Gumaca, Perez, Calauag, Tagkawayan, Guinayangan, at Quezon.

Dahil sa kanyang pagsisikap, pinamunuan nina Agriculture Sec. William Dar at DA Region 4A Director Arnel de Mesaa ang inagurasyon ng Department of Agriculture (DA) sa cacao facility na isinulong ni Tan sa Gumaca, Quezon noong Nobyembre 30, 2020.

Pinuri ni Dar ang espesyal na kakayahan at pagsisikap ng mga magsasaka ng cacao para magkaroon ng “Tangerine” brand ng mga tsokolate.

“Binabati ko kayong mga nagtatanim ng kakaw sa pagkakaroon n’yo ng sariling brand ng tsokolate na maituturing na isa sa mga bunga ng inyong pagsusumikap na mapaunlad ang industriya ng kakaw,” pahayag ni Dar.

“Patuloy kayong magsumikap at ‘wag mawalan ng pag-asa dahil ang pagkakaroon ng pag-asa ay makakatulong upang umahon ang sektor ng agrikultura at ang bansa; magsilbi nawa kayong mga haligi sa pag-unlad ng bansa,” dagdag ni Dar.

AUTHOR PROFILE