Plane

17 patay, 40 sugatan sa PAF C-130 plane crash

July 4, 2021 Zaida I. Delos Reyes 566 views

UMABOT sa 17 sundalo ang nasawi habang 40 ang nasugatan matapos bumagsak ang C-130 na eroplano ng Philippine Air Force (PAF) na maghahatid sa kanila Linggo ng umaga sa Patikul, Sulu.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana, naganap ang trahedya dakong 11:30 ng umaga sa Barangay Bangkal, Patikul.

Maghahatid sana ng mga sundalo ang eroplano mula sa Cagayan de Oro nang maganap ang insidente.

“Very unfortunate, not so happy Sunday at kaninang 11:30 one of the C-130s while transporting our troops from Cagayan De Oro,na-miss nya yung runway trying to regain power, at hindi nakayanan, bumagsak dun sa may Bgy. Bangkal, Patikul Sulu,” pahayag ni Sobejana.

Aniya, sa kasalukuyan, mayroong 40 pasahero na ang na-rescue at dinala sa hospital ng 11th Infantry Division sa Busbus,Sulu.

Ayon kay Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana, mayroong 92 personnel ang nakasakay sa eroplano kabilang ang tatlong piloto at limang crew.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.