PNP

Buwagin ang PAGs

May 23, 2023 People's Tonight 258 views

SA Pilipinas ay gumagamit ang mga tiwali, mayaman at influential na politiko ng private armed groups (PAGs) para lang takutin ang kanilang mga political opponent.

At bilang paghahanda sa nalalapit na Oktubre 30 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKEs) ay mino-monitor na ng Philippine National Police (PNP) ang mga PAG.

Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin C. Acorda, mino-monitor ng kanyang mga operatiba ang tatlong active na PAGs at 45 potential armed groups na puwedeng gamitin sa BSKEs.

Sa kasaysayan ng halalan sa Pilipinas, nasyonal man o lokal, sakit ng ulo ng mga otoridad ang paggamit ng ilang politiko sa “Tatlong Gs” (Guns, Goons at Gold) para lang manalo.

Kaya nga mabuti naman at kumikilos na ang PNP para buwagin ang mga armadong grupo na ito bago pa mang magsimula ang paghahain ng certificates of candidacy (COCs).

Magsisimula ang paghahain ng COCs para sa October 30 BSK elections sa darating na Setyembre 28.

Ayon kay B/Gen. Redrico Maranan, hepe ng PNP Public Information Office (PIO), kumikilos na ang kapulisan para madakip at makumpiska ang armas ng mga miyembro ng PAGs.

Sinabi ni Maranan na ang order ni Acorda sa lahat ng regional directors at national operating units ng PNP ay paigtingin ang kampanya laban sa private armed groups sa bansa.

Gumagawa ng lahat ng paraan ang Commission on Elections (Comelec), sa tulong ng partner agencies, na kagaya ng PNP, para masiguro na ang BSKEs ay magiging peaceful at credible.

Lalona’t mas madugo ang barangay elections kesa sa national o local elections dahil halos lahat ng mga kandidato ay magkakamag-anak, magkakapitbahay at magkakaibigan.

Tama ba kami, Comelec Chairman George Erwin Garcia, na isang magaling na election lawyer?

AUTHOR PROFILE