Default Thumbnail

Butata sina Justice Antonio Carpio, et al!

November 8, 2021 Marlon Purification 845 views

Marlon PurificationNAPAPANGITI na lang tiyak ang kampo ngayon ng nangungunang presidential aspirant, dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Bakit hindi, eh halos tumanggap ng mag-asawang sampal si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio mula sa dalawang law expert nang magkasunod na kontrahin nila ang isinusulong na petisyon para ikansela ang Certificate of Candidacy (CoC) ng dating mambabatas.

Ang catch pa, kapwa nagpahayag sina ex-Justice Sec. Alberto Agra ng Ateneo Law School at Dean Nilo Divina ng University of Sto. Tomas na hindi sila maka-Marcos at lalong hindi sila abogado ng mga Marcos.

Ibig sabihin, ang kanilang opinyon ay base mismo sa sarili nilang pananaw at kaalaman sa batas.

Naunang sinabi ni Agra na walang basehan at malabong umusad ang inihaing petisyon kay BBM.

Malinaw aniya ang nakasaad sa Omnibus Election Code na walang pagkukulang si Marcos sa pagsusumite nito ng COC.

“Nakalagay dun sa Omnibus Election Code natin na kailangan hindi convicted. Ang nakalagay sa batas kailangan sentenced, may final judgement of imprisonment. Ang nangyari nung binasa ko ang kaso, wala si presidentiable BBM, hindi siya sentenced to imprisonment (kundi) convicted siya to pay a fine,” ani Agra.

Nakasaad umano sa batas na para makansela ang CoC ng sinumang kandidato, kailangang mapatunayan itong nagkasala at maparusahan ng mahigit 18 buwan na pagkakakulong at mapatunayan ito sa krimen na may kaugnayan sa moral turpitude.

“Moral turpitude kung medyo halang ka, bastos, immoral o talagang gusto mo mandaya o manggulang. Ang tanong ngayon, yun bang hindi pag-file ng income tax return ay crime involving moral turpitude? Siyempre hindi,” sabi pa ni Agra.

Sinabi naman ni Divina na mabibigo ang puwersa ng anti-Marcos na maalis sa listahan ng mga tatakbo sa pagkapangulo sa 2022 si Marcos dahil sa wala itong merito.

“Sa nakikita ko, ang petisyon na kanselahin ang CoC ni BBM ay tiyak na guguho kapag nasuri ng Comelec dahil mukhang depektibo sa anyo at kulang ang legal na basehan para sa gusto nitong mangyari,” anang dekano ng UST College of Law.

Sa halip na maglabas ng makatotohanang pahayag o legal na basehan upang suportahan ang kanilang bintang laban kay BBM, ang salaysay ng 57 pahinang petisyon ay naglalaman lamang ng pang-aalipusta sa pamilya Marcos.

Ito’y ‘ad hominem’ o atake laban lamang aniya sa karakter ng respondent na maaaring magpahina sa posisyon ng petitioners. Ang batas palagi ang siyang mahalaga. Ngunit ng intentisyon ng panawagan ng batas ang siyang magbibigay-katwiran o ikakasablay nito.

Nauna nang sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at spokesman ni BBM, na isang uri ng ‘nuisance petition’ ang inihain sa nangungunang presidential contender.

Isa itong desperadong aksiyon na hindi lamang ginugulo ang kandidatura ni Marcos, kundi inaabala pa nang husto ang gawain ng Comelec ngayon.

“Maawa naman kayo sa Comelec. Sa mga opisyal at kawani nito. Huwag n’yo silang gawing launch pad ng inyong destructive yellow propaganda,” ani Rodriguez.

Hindi alam ng petitioners ang pagkakaiba ng ‘failure to pay income tax’ sa ‘failure to file income tax return.’

Simple ang nangyari, mga ate at kuya. Bayad po ang ITR ni BBM. Hindi lang ito nai-file ng staff ng dating senador.

At bago ipilit ng mga desperadong dilawan, noon pa man ay desisyon na po ang Supreme Court sa kasong ito at sinabi nila na: “Even assuming Marcos is convicted for failure to file an income tax return, it is not a crime involving moral turpitude.”

Teka ‘nga pala, Justice Carpio, ano na po ba ang nangyari sa 1Sambayan n’yo, lalo ba dumarami ang langaw?