Default Thumbnail

Bubot pa ang 56 for retirement

July 15, 2022 Allan L. Encarnacion 315 views

Allan EncarnacionNAGTATALO ang aking kaisipan para sa panukalang maging 56 years old ang retirement age ng mga empleyado sa gobyerno.

Sa ngayon, umiiral ang retirement age sa pulis at militar sa 56. Sa mga karaniwang government workers, 60. Pero sa hudikatatura, ang mandatory age ay 70.

Ano ba ang kaibahan ng mga taong nasa 56, 60 at 70? Para magka-idea tayo sa hitsura ng 56 years old, sino bang popular ang nasa ganitong edad? Teka muna, ang hirap humanap ng mga sikat na nasa eksaktong edad na ito.

Doon tayo sa hindi sikat, sa susunod na taon, 56 na ako, October 15, 1967. Sa ngayon, wala pa naman akong sakit, walang iniinom na maintenance medicine, araw-araw pa namang nakakapag-walking and jogging ng seven kilometers. Nakakapagbasa nang hindi gumagamit ng salamin sa mata at nakakatulog ng anim hanggang walong hours gabi plus dalawang hours na siesta. Wala pa rin namang limitasyon sa pagkain at nakakapagtrabaho pa naman sa mga gawaing bahay.

Ang nakita kong popular na 60 years old ay si Martin Nieverra, born Feb 5, 1962. Agresibo pa rin naman, malakas pa rin ang boses, nakakapag-concert pa rin naman kung saan-saan mula Manila hanggang Las Vegas.

Iyong 70 years old na mas madali nating maka-relate ay si former President Duterte na 71 years noong maging Presidente. Ang actor na si Philipp Salvador ay 69 years old ngayon, at magiging 70 na pala sa August ng susunod na taon.

Sa magkakaibang edad na ito, iyong 56, masyadong bata para sa retirement. Karamihan sa may ganitong edad, nasa prime pa lang ng kanilang career or marami sa kanila ay maganda pa ang kondisyon para makapagtrabaho.

Ang wisdom naman sa retirement age of 56, mas mapapakinabangan mo pa ang iyong mga kinita, ang iyong mga pinaghirapan sa loob ng 25 hanggang 35 years ng pagtatrabaho.

Pero kung inireretiro natin ang mga produktibong mamamayan sa edad na 56, sayang din ito sa ating work force.

Kahit ang 60 years old, marami pang kumakasa sa hanapbuhay. Kung mapapansin nyo nga sa Amerika, sa Europa at kahit pa sa ibang Asian countries, bahagi pa ng kanilang workforce ang 60 years old and above.

Maraming 56 at 60 years old ang nagsisimula nang humina kapag inalisan mo na sila ng ginagawa dahil mga prime age ito para sa kanila.

Iyong 70 years talaga ang walang duda na puwede nang ikunsidera para sa pagreretiro. Ang edad na ito ang masasabing “sunset” of their prime sa career at sa personal na buhay. Dito nga lang dapat nagsisimula ang senior age para sa 20% discount para hindi naman natin pinahihirapan ang mga negosyo sa dami ng 60 years na pinabibigyan ng discount ng batas.

Dito lang kasi sa atin masyadong metikuloso sa age requirement pagdating sa trabaho. Kapag umedad ka na ng 30 hanggang 40 years old, malabo ka nang matanggap sa trabaho maliban na lamang sa mga managerial at supervisory positions para sa mga may totoong kakayahan na college graduate or may mga masteral.

Katulad halimbawa sa AFP at PNP, bakit natin pinagreretiro ang 56 years old gayong mas malakas pa sa kalabaw ang karamihan sa kanila na nasa ganitong edad? Dapat nga optional or voluntary retirement lang kapag gusto nang magretiro ng 56 years old men in uniform. Sa halip na papakinabangan pa natin ang galing at talas nila sa intelligence and operations, inireretiro na natin sila.

Ang tingin kong middle ground sa retirement para sa government employees, kasama na ang pulis, militar at bumbero ay 65 years old. Kahit sa mga pribadong kompanya ay puwede rin ang 65 years old.

Hindi natin alam kung ano tunay na dahilan sa 56 years old proposed retirement age sa gobyerno. Baka kasi doon sa retirement benefits magkakaroon ng problema kapag masyadong matagal ang pagreretiro. Ang sinasabi lang natin ay iyong kapasidad ng mga taong inireretiro natin kahit kaya pang magtrabaho.

Doon tayo siguro dapat makabuo ng formula na kapag palapit na sa retirement age na 65 kung ito ang mas maganda, mailagay sila sa mga section o ahensinyang pakikinabangan pa sila sa halip na puwersahin natin silang magretiro.

Pero iyong 56, masyadong bubot ito para sa pagreretiro.

[email protected]