Magandang liderato, ipinakikita ng DepEd
INANUNSIYO ng Department of Education (DepEd) ang full-implementation ng face to face classes sa parehong pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa simula sa Nobyembre 2. Ito ang naging laman nang isapubliko ang DepEd Order No. 34 na nagpapakita ng academic calendar para sa susunod na school year 2022-2023.
Base sa inilabas ng DepEd, magsisimula ang klase sa Agosto 22 at magtatapos sa July 7, 2023. Sa pagsisimula ng klase mayroon pang pagpipilian ang mga paaralan para magpatupad ng blended learning at full distance learning hanggang Oktubre 31, 2022.
Ito ay bilang pagbibigay palugit sa mga paaralan na makapag-adjust bago tuluyang ipatupad sa buong bansa ang full implementation ng face to face classes o yung tradisyunal na pag-aaral ng mga bata bago ang pandemya. Sa madaling salita, back to normal na po ulit.
Siyempre ikinatutuwa natin ito dahil umpisa pa lamang nabanggit na natin dito ang mga mabubuting kahihinatnan o magandang epekto sa pagbabalik ng mga bata sa loob ng paaralan. Kaya naman po ikinatutuwa natin ang naging habang na ito ni Vice President and DepEd Secretary Sara Duterte.
Ang isa sa ikinatutuwa natin dito ang pagbibigay ng DepEd ng palugit para makapag-adjust at hindi basta mabigla ang mga eskwelahan at mga mag-aaral sa pagbabalik sa mga paaralan. Mas makapagbibigay ito ng panahon para sila ay makapaghanda.
Ipinakikita lamang po dito na hindi bara-bara o basta na lamang nagdedesisyon ang kasalukuyang pamunuan ng DepEd. Nakikita nila ang pangangailangan na muling makabalik sa mga paaralan ang mga bata habang isinasaalang-alang ang kahandaan ng lahat.
Dahil sa totoo lamang po, hindi lamang ang mga bata at eskwelahan ang mag-aadjust, lahat po. Mag-aadjust ang buong pamilya, ang sektor ng transportasyon, ang mga negosyo at kabuhayan na may kinalaman sa pag-aaral lahat po ay aayon dito.
Kahit ang mga simpleng karinderya, mga tindahan, mga toda at iba pang kabuhayan ay muling mabubuhayan at tiyak po ito na makakatulong sa kabuhayan ng lahat. Muling magkakaroon ng sigla ang ating ekonomiya.
Pero syempre po, ang pinakamahalaga ay magkaroon ng sigla ang buhay estudyante ng mga bata. Marami na po ang nawala sa kanila ngayong pandemya kaya isang malaking tulong ang pagbabalik nila sa klase para makabawi.
Buti na nga lang at hindi ito binigla ng DepEd dahil kung iisipin natin kung bibiglain nga naman ng DepEd ang pagkakaroon ng face to face classes itong darating na Agosto, tiyak na magkukumahog ang lahat. At kapag nagmamadali at nagkukumahog madalas doon nagkakanda-leche-leche ang lahat.
Magandang simula ng liderato ang ipinapakita ng DepEd. Bagamat naririyan pa rin ang banta ng Covid 19 at sa kasalukuyan nga ay tumataas ito pero hindi ito nakikitang dahilan o hadlang ng DepEd para maituloy ang mga klase.
Nakikita natin na hindi ito basta pagbabalik sa normal. Ito ay pagbabalik sa normal na may pag-iingat at pagsasaalang-alang para sa kahandaan at kaligtasan ng lahat. Dahil alam naman din natin na hindi ito magiging simple at madali para sa lahat. Pero kailangan na ring gawin at natutuwa tayo sa desisyong ito ng DepEd.
At syempre hindi rin ito magagawa ng DepEd kung hindi rin sa tulong at trabaho ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Lalo na ang sektor pangkalusugan na talaga namang nanguna sa paglaban sa Covid 19. Hindi tayo aabot sa ganito kung hindi din dahil sa kanila.
Ganoon na rin sa lahat ng mga frontliner na talaga namang humarap sa hamon ng pandemya. Sa mga magagandang desisyon ng mga lokal na gobyerno at patuloy na pagbabakuna, lahat ng mga ito ay ambag-ambag na tulong sa pagtawid sa pandemya.
Alam natin na malaki pa ang hamon na kakaharapin ng sektor ng edukasyon sa muling pagbubukas ng klase. Naririyan pa rin at nananatili ang mga dating problema sa mga eskwelahan. Pero umaasa tayo sa magandang lideratong ipinapakita ngayon ng kasalukuyang pamanuan ng DepEd.
Marami ang nagdududa pero sa simula pa lamang nakikita na natin ang magandang simula ng DepEd.
Masasabi nating nasa mabuting kamay ang DepEd ngayon at talaga namang pinatutunayan na tama ang ginawang pagpili ni President BongBong Marcos kay VP Duterte bilang DepEd Secretary.