Default Thumbnail

BSP staff nakapag GCash scam ng P99,950

September 7, 2023 Christian D. Supnad 283 views

CERVANTES, Ilocos Sur–Isang nagpakilalang staff ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang hina-hunting ngayon matapos makapangulimbat ng P99,950 mula sa isang 49-anyos sa bayang ito sa pamamagitan ng GCash.

Nakumbinsi umano ng tauhan ng BSP ang biktimang si Crispina Pisawen ng barangay San Luis dito na nanalo siya ng P480,000 sa contest ng Kopiko Blanca.

Umiiyak si Pisawen na nagsumbong sa pulis noong Miyerkules habang inirereklamo niya sina

Raniel Morales, ang nagpakilalang taga BSP, Castillo Miguel at Jaymark M na hindi malaman ang address.

Sa kanyang reklamo sa pulis, sinabi ng biktima na nakatanggap siya ng text message noong September 1 mula sa cellphone number 09108162923 na nagsasabing nanalo siya ng P480,000 sa Kopiko Blanca.

Dahil sa tuwa, nagtanong ang biktima kung paano niya makukuha ang kanyang premyo.

Doon na nagbigay ng instruction si Morales na kailangang magpadala ng pera sa GCash para daw sa processing ng kanyang napanalunan.

Mula September 1–3, anim na GCash transactions ang ipinadala ng biktima na umabot sa P99,950 sa 09979812696 na nasa pangalan ni Jaymark M at 09262816766 sa pangalan ni Castillo Miguel.

Matapos maipadala ng biktima ang huling P49,950.00 na hinihingi ng suspek, hindi na makontak ang telepono ng scammer.