Bong Go

Bong Go: Unawain ang desisyon ko

December 4, 2021 People's Journal 240 views

Sa supporters na nakabarikada sa Comelec:

UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa kanyang mga tagasuporta na unawain ang kanyang naging desisyon na pag-atras sa presidential race sa 2022 national elections, gaya ng pag-intindi at pagrespeto sa kanya ni Pangulong Duterte.

“Alam n’yo po nagkausap na kami ni Pangulong Duterte at siya mismo ay nirerespeto niya ang aking desisyon. Dahil nauunawaan n’ya po ang hirap lalo pa at pamilya na nga po ang pinag-uusapan,” sabi ni Go sa panayam sa kanya.

“Kung marami pong nalulungkot, isa rin po ako sa nalungkot din… Talagang sobrang bigat po ng aking nararamdaman… Nagpakatotoo lang po ako sa pagsabi ng aking totoong nasa saloobin,” ani Go.

Ginawa ni Go ang apela sa kanyang supporters matapos magtipon-tipon at magbarikada ang mga ito sa Commission on Elections headquarters sa Intramuros, Maynila para pigilan ang senador na ipormalisa ang kanyang withdrawal.

“Malungkot po ako, dahil nalungkot ‘yung mga supporters namin ni Pangulong Duterte pero alam ko pong naiintindihan niyo ang aking pagsasakripisyo. Alang-alang sa aking pamilya, alang-alang kay Pangulong Rodrigo Duterte, at alang-alang po sa inyong lahat sa mga supporters na hindi na po sila mahirapan pa pagdating ng panahon,” anang senador.

Tiniyak ni Go na kahit hindi na siya kandidato ay ipagpapatuloy pa rin ang kanyang serbisyo sa mga Filipinos, anoman ang kanyang posisyon.

“Pero hindi ko naman po tinatalikuran ang aking responsibilidad at ang aking hangaring patuloy na makapagserbisyo sa aking kapwa Pilipino. Bagama’t hindi na po ako tutuloy sa pagtakbo bilang pangulo sa darating na halalan sa 2022, patuloy pa rin po akong magseserbisyo sa aking kapwa Pilipino,” ayon kay Go.

Kaya naman pinayuhan niya ang kanyang supporters na itigil na ang pag-aabang sa labas ng COMELEC para makaiwas sila sa COVID-19.

“Ako po’y nakikiusap sa mga supporters, sa mga leaders po namin ni Pangulong Duterte na kung maaari po huwag n’yo na lang po akong hintayin sa COMELEC, lalo po akong hindi makakapunta diyan sa COMELEC kung nag-aabang ho kayo. Mas gusto kong ligtas po sila dahil delikado pa po ang panahon, may COVID-19 pa po,” anang mambabatas.

“I’m appealing po sa inyo umuwi na po kayo at respetuhin niyo po ang aking desisyon. Mahal ko po kayo. Ayaw ko pong nahihirapan pa kayo diyan sa COMELEC, baka magkasakit pa kayo, uulan minsan po, nagkadikit-dikit pa ‘yung tao,” ang apela niya.

“Ako na po ang nakikiusap po sa inyo. Kung mahal rin niyo po ako at mahal niyo po si Pangulong Duterte, please lang po sana po ay huwag niyo na po akong antayin diyan sa COMELEC,” dagdag pa ni Go.

Sinabi ni Go na ipopormalisa niya ang kanyang withdrawal sa tamang oras.

Nasa Mindanao ngayon si Go matapos bisitahin ang mga nasalanta ng kalamidad na komunidad at mamahagi ng ayuda.

“Wala naman po itong pilitan kung kailan ko gustong pumunta ng COMELEC. Puwedeng sa susunod na linggo, puwedeng sa susunod na buwan… wala naman pong deadline sa pag-withdraw,” paliwanag ni Go.

“Habang nandidiyan po sila ay hindi po ako makakapasok doon dahil pipigilan nila ako. Kaya po nakikiusap na lang po ako sa mga supporters ko, supporters namin ni Pangulong Duterte,” dagdag niya.

Ipinaliwanag kung bakit siya umatras, sinabi ni Go na ayaw niyang maipit at mahirapan pa si Pangulong Duterte sa gitna ng kampanya para sa 2022 polls. Ginawa niya rin ito para sa kanyang pamilya na tutol sa kanyang pagtakbong presidente.

“Naiintindihan naman po ako ni Pangulong Duterte dahil unang-una nga po kapag pamilya na po ang ayaw… dahil ito ‘yung inuuwian natin pagdating ng pagpahinga natin sa gabi, lalung-lalo na po ako – isa lang po akong simpleng probinsyano na umuuwi rin sa pamilya,” sabi ng senador.

“Pangalawa, ayaw ko rin pong pahirapan si Pangulong Duterte. Ayaw ko rin pong mahirapan ‘yung mga supporters namin at alam n’yo naman po dahil matanda na rin po si Pangulong Duterte. Naglingkod na po siya sa bayan, ginugol niya na po ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa ating mga kababayan. Huwag na ho natin siyang pahirapan pa sa darating na eleksyon.”

“Malungkot pero alam kong naiintindihan ninyo ang aking pagsasakripisyo alang-alang sa aking pamilya, kay Pangulong Rodrigo Duterte, at sa inyong lahat,” idinagdag ng senador.

“Saan man ako dadalhin ng tadhana, hinding-hindi mawawala sa puso at isipan ko ang pagmamahal at pagmamalasakit ko sa inyo. Tuloy ang ating pagseserbisyo, mga minamahal kong kababayan,” pahabol pa niya.

AUTHOR PROFILE