Bong Go

BONG GO PABOR SA ‘ONE-STRIKE POLICY’ SA PNP

March 9, 2023 People's Tonight 287 views

Sibak sa mga inutil vs krimen, illegal activities

Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go sa panukalang pagpapatupad ng one-strike policy para sa mga pulis na nabigong pigilan ang mga krimen at iligal na aktibidad sa loob ng kanilang nasasakupan.

Ito ay matapos ang sunud-sunod na pag-atake sa mga pampublikong opisyal, kabilang ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, sa walo pang indibidwal at ikinasugat ng labing pitong iba pa.

“Kaya dapat po ay mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng gobernador ng Negros Oriental, hindi lang po ng gobernador kung ‘di mga sibilyan na mga inosente. Paano na lang po ang maliliit na tao na walang kakayahan na proteksyunan ang kanilang sarili. Importante din po na dapat bigyan sila ng proteksyon ng gobyerno. Kaya po tayo may pulis to take charge po ng peace and order.

Kaya po tayo may militar to secure us and our country,” paliwanag ni Go.

Naniniwala si Go na ang pagpapatupad ng one-strike policy ay magtitiyak na seseryosohin ng lahat ng pulis ang kanilang trabaho at mananagot sa anumang iligal na aktibidad na nangyayari sa loob ng kanilang area of ​​responsibility.

“Ako po, sang-ayon po ako d’yan… tama po ang one-strike policy,” sabi ni Go matapos tulungan ang mga nasunugan sa Barangay Tatalon sa Quezon City.

“Halimbawa, sa isang lugar, sa isang siyudad, sa isang probinsya, alam n’yo, kung ayaw ng pulis at ayaw ng mayor, ayaw ng executive, hindi talaga mangyayari (ang isang krimen),” dagdag niya.

Binigyang-diin ni Go na hindi lamang dapat ilapat ang patakaran sa mga kaso ng pagpatay kundi sa iba pang iligal na aktibidad.

Binanggit niya ang isang halimbawa na kung ang hepe ng pulisya o ang alkalde ay hindi pabor sa mga iligal na aktibidad tulad ng pagsusugal, hindi ito makapapasok sa lugar.

Itinuturing ni Go ang one-strike policy bilang babala sa mga pulis na maging mapagbantay at maging responsable sa kanilang mga tungkulin.

“‘Yung one-strike policy, okay po ‘yun. Isang babala po ‘yun na ‘wag kayong magpalusot sa inyong lugar.”

“Itong pagpatay sa mga kababayan natin, mga officials, mga sibilyan… kapag nalusutan, dapat may managot.”

“So, para sa akin, agree po ako doon na pwedeng i-impose ang one-strike policy para mas lalong mag-ingat at mas lalong higpitan ng ating mga awtoridad ang pagpapatupad ng batas,” idiniin ng senador.

Kasunod ng pagpaslang kay Degamo, mariing kinondena ni Go ang serye ng mga pagpatay at pag-atake sa mga opisyal ng gobyerno at hiniling na maaresto ang mga responsable.

“Ito pong local officials ay nagtatrabaho po, nagseserbisyo sa ating mga kababayan. Sila pa po ang naging biktima ng karumal-dumal na patayan. Nakalulungkot po kaya dapat po ay matigil na po ito at mabigyan ng hustisya.”

“Kapag walang nanagot eh patuloy po ‘yang masasamang elemento, mamamayagpag ‘yan. Dapat po mayroong managot, may mahuli, may makulong at mayro’ng maparusahan. Habang walang napaparusahan at walang mananagot, lalakas ang loob ng mga ‘yan,” ani Go.

Samantala, nanawagan si Go sa kanyang mga kapwa public servant na huwag matakot na gawin ang kanilang trabaho para sa mga tao sa kabila ng mga pag-atake.

“Ako po ay naniniwala na kung panahon mo na, panahon mo na… Diyos lang po ang nakakaalam. Ako po ay magtatrabaho, gagampanan ko po ang aking sinumpaang tungkulin… Mag-ingat lang po tayong lahat. Habang ginagampanan po natin ang ating trabaho, mag-ingat po tayo. Ako naman po ay naniniwala na kapag maganda ang hangarin mo sa iyong kapwa, hindi ka pababayaan ng Panginoon,” anang senador.

AUTHOR PROFILE