Bong Go

Bong Go: ‘Medical tsongki’ masusing aaralin

October 2, 2022 People's Journal 102 views

INIHAYAG ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go sa gitna ng pampublikong pagdinig sa mga badyet ng Philippine Drug Enforcement Agency at Dangerous Drugs Board ang pagiging bukas niya sa paggamit ng medikal na marijuana o “tsongki” sa bansa.

Sinabi ni Go na magsasagawa ng hiwalay na pagdinig ang kanyang komite para talakayin ang mga usapin kaugnay ng medical marijuana, kabilang ang mga regulasyon, at ipatatawag din ang mga nabanggit na ahensya gayundin ang iba pang law enforcement agencies.

“Hindi lang medikal ang pinag-uusapan dito, kundi pati kung papaano mare-regulate nang maayos at hindi maaabuso ang paggamit nitong marijuana, itong cannabis at hindi maging negosyo ng mga nasa masamang elemento at mapunta sa ibang kamay,” ipinunto ni Go.

Importante ani Go na masusing aralin kung paano ire-regulate at paano makatutulong sa ating mga kababayan ang marijuana na alam namang magagamit na medsina.

Sinabi ni Go na dahil napakamahal ng mga gamot sa bansa, kailangang makahanap o makabili ang ating mga kababayan ng alternatibong gamot na mas mababa ang halaga.

Sinabi ni Go na dati na ring nagpahayag ng pagiging bukas si dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa paggamit ng medical marijuana sa Pilipinas at idinagdag na ito ay isang mas murang opsyon para sa pagpapagamot.

“Naalala ko noon, medyo considerate nga po ang ating dating Pangulong Duterte. Basta sabi niya gamitin lang ito sa medical, dahil mas mura nga po,” ani Go.

“Alam ninyo, ‘yung iba nagmamakaawa, umiiyak, humihingi ng tulong kung paano sila mas makakamura dahil napakamahal po ng ibang medisina sa pagpapagamot ng mga may sakit nilang anak. Bitbit pa nila ‘yung mga anak nila, pumunta sila ng Malacañang noon, umiiyak at humihingi ng tulong,” gunita ng senador.

Sinabi ni Go na magsasagawa ng masusing pag-aaral sa panukala upang matiyak ang tamang paggamit at kung paano matutulungan ang mga pasyente ng medical marijuana.

“Nandito po ako, magpapagitna, makikinig, at paano natin maaayos at matutulungan itong mga pasyenteng nangangailangan po ng cannabis,” paniniyak ni Go.

“So, salamat po sa inyong inisyatibo na makatulong. Kaisa po ninyo ako lalung-lalo na sa usapang medikal kung paano tayo makatulong sa mga mahihirap nating kababayan,” dagdag niya.

Samantala, idiniin din ni Go ang pangangailangan ng pamahalaan na ipagpatuloy ang paglaban sa mga mapanganib na droga at unahin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa pagbibigay ng kanyang suporta sa mga plano at programa ng PDEA at DDB.

Sumang-ayon din siya na ang problema sa droga ay dapat matugunan sa pamamagitan ng pag-iwas at rehabilitasyon.

Inihain ni Go ang Senate Bill No. 428 na magtatatag ng drug abuse treatment at rehabilitation center sa bawat lalawigan. Nagpahayag ng suporta ang Commission on Human Rights sa inisyatiba ng senador.

Sa ilalim ng panukala, kinakailangang magtayo ng drug rehabilitation center sa bawat lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health.

“Drug addicts should be treated as victims in desperate need of medical, psychological, and spiritual assistance, with the goal of reintegrating back into society as healthy and productive citizens,” sabi ni Go.

“Dapat bigyan po natin sila ng pagkakataon ng panibagong buhay,” aniya pa.

AUTHOR PROFILE