Bong Go

Bong Go: Kaso ng typhoid dumarami, kalusugan ingatan

October 27, 2023 People's Tonight 115 views

HINIMOK ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na maging mas mapagmatyag at unahin ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pag-oobserba sa wastong kalinisan sa gitna ng nakababahalang pagtaas ng kaso ng typhoid sa buong bansa.

Ayon sa Department of Health (DOH), hindi bababa sa 17,531 kaso ng typhoid ang naitala ngayong taon.

Ipinahayag ni Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang kanyang pagkabahala sa dumaraming kaso ng typhoid at nanawagan sa mamamayang Pilipino na kumilos kaagad upang maprotektahan ang kanilang kalusugan at ng kanilang mga mahal sa buhay.

“Hinihikayat ko ang lahat na maging mapanuri sa ating kalusugan. Huwag tayong mag-atubiling magpatingin sa mga doktor kung may mga sintomas tulad ng lagnat o pagsusuka,” ani Go.

“Huwag nating kalimutan ang tamang kalinisan at sanitation sa ating mga tahanan. Siguruhing laging malinis ang ating mga paligid at inumin ang ligtas na tubig,” dagdag niya.

Ang typhoid fever ay isang nakahahawang bacterial infection na pangunahing kumakalat sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain at tubig. Ang mga sintomas nito, kinabibilangan ng mataas na lagnat, pananakit ng tiyan, at matinding panghihina, ay maaaring maging malubha at ikamatay kung hindi magagamot.

Sa pinakahuling surveillance ng DOH, nagkaroon ng 38% pagtaas sa kaso ng sakit mula Enero 1 hanggang Setyembre 30 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, na may 12,693 kaso.

Iniulat na Cordillera Administrative Region ( CAR) ang may pinakamataas na bilang ng kaso na 2,861, sinundan ng Northern Mindanao na may 1,932 kaso, at Mimaropa Region (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, at Palawan) na may 1,413 kaso. Ang mga kaso sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato City, North Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City) ay tumaas nang 119% mula 512 kaso hanggang 1,123.

Nakitaan din ang Central Luzon ng pagtaas ng mga kaso, na may 192%. Mula sa 334 na kaso noong nakaraang taon, naging 975 na ang kaso ngayong taon.

Ayon kay Go, ang typhoid fever ay isang sakit na naiiwasan at nakapanghihinaya na makitang patuloy na tumataas ang bilang ng kaso nito.

“Hindi natin kayang maging kampante pagdating sa ating kalusugan. Responsibilidad nating manatiling may kaalaman at magsagawa ng wastong kalinisan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito,” anang senador.

Hinimok din ni Go ang gobyerno at mga ahensya ng kalusugan na paigtingin ang kanilang pagsisikap sa pagpapataas ng kamalayan tungkol sa pag-iwas sa typhoid, pagpapahusay ng mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, at pagpapatupad ng mga mahigpit na hakbang upang matiyak ang kaligtasan sa pagkain at tubig.

AUTHOR PROFILE