Bohol Screen grab mula Ren The Adventurer

BOHOL RESORT IMBESTIGAHAN

March 14, 2024 People's Tonight 144 views

Pinag-utos ni Speaker Romualdez:

IPINAG-UTOS ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng itinayong resort sa Chocolate Hills sa Bohol, isang protected area at kabilang sa talaan ng UNESCO World Heritage sites.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na hindi nagustuhan ng liderato ng Kamara ang pangyayaring ito.

“We are set to file on Monday a moto propio inquiry regarding that matter. Hindi rin po nagustuhan ng House leadership po iyon. I’ve been communicating with the Speaker…napag-uusapan po at nasabi ko na po sa kanya, magpa-file po tayo ng inquiry regarding this matter,” ayon kay Tulfo.

“Hindi po nagustuhan po ng liderato iyon, kasi number one, iyon po ay dineklara ng National Heritage. Kahit ano pa hong palusot, daldal po ng daldal sa social media, iyong kanilang manager duon na si Ms. Sablay…o Sablan, eh sinasabi niya hindi naman daw nila ginalaw iyong Chocolate Hills,” saad ng mambabatas.

“The mere fact na nanduon ka, tiningan ko nga hindi nga ho nila ginalaw, nasa gitna sila ng dalawang hill, sinira ho nila iyong view. Actually, para makita mo ng maganda iyong hill na iyan, may aakyatin kang parang tore para makikita mo ngayon. Panget na hong tingnan,” dagdag pa ng kongresista.

Inihalintulad ni Tulfo, isang dating journalist, ang Captain’s Peak Resort na tila isang kulugo sa mukha ng isang tao.

“Pag nasa aerial shots ka, ang pangit din, para siyang kulugo, di ba. Tumubong kulugo sa mukha mo, okay. So ang pangit ho eh kahit ano hong palusot,” ayon pa sa mambabatas.

Sinabi ni Tulfo na nais malaman ni Romualdez kung sino ang responsible at pumayag na maitayo at mag-operate ang resort sa Chocolate Hills.

“Ang hindi ko ho maintindihan kaya gusto nating paimbistigahan, at gusto rin pong paimbistigahan ni Speaker, sino ang nagbigay ng permit, building permit. Kasi hindi ka naman pupuwedeng mag-construct ng kung anumang bagay dito sa Pilipinas kung wala ka pong permit. Dapat po nanggagaling po iyan sa LGU (local government unit),” dagdag pa ni Tulfo.

Duda si Tulfo na walang alam ang mga lokal na opisyal ng lugar sa itinayong resort sa kilalang tourist site sa Bohol.

“Ano hong ginawa ng LGU? Kaya hindi ho nila puwedeng hindi alam…ang dami pong sisisihin diyan eh, pati iyong provincial government, akalain mo nag-party pa pala sila kung hindi ba naman mga luko-luko,” ayon da mambabatas.

Dagdag pa ni Tulfo, kailangan ding magpaliwanag ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources sa pagkakaroon ng resort sa lugar.

“Pag mga ganun po na mga ika nga heritage site, tourist attraction, iyan po ay may mga park rangers, kung tawagin ng DENR, sila po iyong nagbabantay diyan. Ang tanong ko, nasaan iyong park ranger ng DENR?,” dagdag pa ni Tulfo.

“May palusot pa nga ho akong nakita eh, kasi nabili niya daw pagma-may-ari, I don’t give a crap, kung iyan po ay binili mo. Maski na binili mo iyan, pag-aari pa rin iyan kahit papano. Sinabi na nga National Heritage. Huwag mong tayuan ng kung anu-anong kabalbalan iyan, kasi nga po iyan po ay para hanggang sa susunod na henerasyon. Huwag mo naman, dahil nakabili ka ng lupa, kung sino man iyong…nagbenta ng lupa diyan, ay 1995 pa idineklara iyan eh,” ayon pa sa mambabatas.

Nais din ng liderato ng Kapulungan na managot ang tanggapan at mga opisyal kabilang na ang Land Registration Authority, na responsable sa pagbibigay ng titulo ng lupa.

“Bakit napa-tituluhan po iyan? So marami pong ahensiya. Magiging busy po ang Congress siguro after we file the moto propio inquiry. Hindi po tayo papayag, marami pong nagagalit,” ayon pa sa mambatatas.

Nakikiisa rin si Anakalusugan Partylist Rep. Ray Reyes sa layunin ni Romualdez na imbestigasyon.

“Kasi nasabi na National Heritage ito, UNESCO National Heritage site ito. Sige sabihin natin na iyong ibang bahagi ng Chocolate Hills may titulo na nga…hindi dahil may titulo ay ano ito blanket license po ito na puwede ninyong gawin kahit ano sa lupa ninyo. Hindi ganun iyong pagkakaintindi po natin ng pagkakaroon po ng lupa,” ayon pa kay Reyes.

AUTHOR PROFILE