Paul Gutierez

“Biyaheng Senado” si ‘Idol Erwin!’

March 4, 2024 Paul M. Gutierrez 117 views

NAGPAPASALAMAT tayo kay ACT-CIS Party-list at Deputy Majority Leader Rep. Erwin ‘Idol’ Tulfo sa makabuluhan at matagumpay na meeting natin sa kanya nitong nakaraang linggo.

Tiniyak ni Idol Erwin ang kanyang 100 porsiyentong suporta sa mga programa ng ating tanggapan, ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), kabilang ang programa para sa pamilya ng mga biktima ng malagim na Maguindanao massacre noong 2009.

Ngayong November 23, gugunitain natin ang ika-15 taon ng pinaka-malagim na kaganapan sa kasaysayan ng media sa bansa at naniniwala tayong hindi na ito magiging ‘another sad gathering’ sa tulong na rin ni Cong. Erwin at tanggapan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, tama ba, Socsargen Press Club president, Joseph Jubelag?

Speaking of Cong. Erwin, malinaw na wala nang makakapigil sa kanyang pag-akyat sa Senado sa 2025, kung ngayon gaganapin ang halalan!

Repasuhin natin, mga kabayan: Bago ang pinakahuling survey na inilabas ng Oculum Research and Analytics Philippines noong Pebrero 23, kung saan pumangalawa ang utol ni Sen. Raffy Tulfo, halos lahat ng mga naunang survey ay si ‘Tol Erwin ang laging ‘Number One!’

Indikasyon ito na gusto ng nakararami nating mga kababayan na maglingkod sa mas mataas na antas sa serbisyo publiko si Idol Erwin.

Sa September 30-October 4, 2023 survey ng Octa Research na “Tugon ng Masa National Survey,” nanguna si Rep. Erwin na may 60 porsiyento na ‘voter preference’ sa tinanong na 1,200 adult respondents sa iba’t ibang panig ng bansa.

Mas tumaas pa ito sa sunod na survey ng naturang grupo noong December 10-14 kung saan tumataginting na 76 porsiyento ‘voter preference’ ang nakuha ng dating DSWD secretary.

Si boss Erwin din ang nanguna sa survey ng research firm na WR Numero na “The Opinion Monitor” kung saan nakakuha ron siya ng 60 porsiyento na voter preference ng may 1,200 respondents sa buong bansa na isinagawa noong November 24-Dedember 24, 2023.

Maging sa survey ng Magdalo Group nitong Pebrero 7-9, 2024, si Rep. Erwin pa rin ang nanguna na may 62.4 porsiyento voter preference.

Mismong si Magdalo chair at dating senador, Antonio Trillanes IV ang nagpahayag ng integridad ng survey ng kanilang grupo at hindi daw ito manipulado.

Batid natin na ang mga survey ay gabay lamang at hindi aktuwal na magiging resulta. Pero sa mga nagdaang eleksyon, masasabi natin na ang resulta ng mga survey ay 90 porsiyento na akma sa nagiging resulta ng halalan.

At ibinabandera natin ang mga resultang ito dahil batid natin na alam at hangad ng ating mga kababayan na “bumiyahe” na patungong Senado si Idol Erwin.

Wala tayong nakikitang masama dito dahil subok na ang kalidad ng pagseserbisyo ni Cong. Erwin, na personal kilala ang pagkatao kung pagtulong sa kapwa ang pag-uusapan.

Kudos Cong. Erwin at huwa mo naman akong kalimutan pagdating mo sa “Paraiso,” hehehe!

Tama ba, kasamang Jerico Javier? Abangan!

AUTHOR PROFILE