Default Thumbnail

Binatilyong napatay ng mga pulis dahil sa maling akala, ihahatid sa huling hantungan sa Miyerkules

August 13, 2023 Edd Reyes 279 views

NAKATAKDANG ihatid sa kanyang huling hantungan sa La Loma Cemetery sa Miyerkules ang 17-anyos na binatilyong napatay ng mga pulis sa maling akala noong Agosto 2 sa Navotas City.

Inaasahang dadagsa ang mga taong makikipaglibing sa biktimang si Jemboy Baltazar dahil na rin sa panawagan ng pamilya na mabigyan ng wastong hustisya ang pagkamatay ng binatilyo.

Nito lang araw ng Linggo ay nagtungo ang ina ni Jemboy na si Rodaliza Baltazar sa lugar na kinamatayan ng kanyang anak sa tabing ilog sa Babanse St. Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS)-Kaunlaran upang magtirik ng kandila.

Ayon kay Rodaliza, magsisilbing liwanag ang kandila niyang itinirik, hindi lamang sa paghahanap ng hustisya, kundi ito rin ang liwanag na magiging gabay ng kanyang anak sa kanyang paglalakbay pabalik sa kanyang pinanggalingan.

Tiniyak din ni Rodaliza, pati na ang lola ng biktima at ng dalawang kapatid na babae ni Jemboy na dadalo sila sa oras na makatanggap na sila ng abiso sa gagawing pagdinig sa piskalya ng Navotas upang makaharap ang mga pulis na sangkot sa pagpatay.

Nais ng pamilya na usigin ng harapan ang mga pulis at ipamukha ang mali nilang ginawa sa binatilyo.

Napagalaman na pumasok na rin sa pagsisiyasat sa kaso ang Commission on Human Rights upang alamin kung ano-anong paglabag sa karapatang pantao ang posibleng kaharapin ng mga sangkot na pulis.

Isa sa anim na pulis na nahaharap sa kasong kriminal ang natuklasan na nasampahan na rin ng kasong grave misconduct matapos matuklasan na “binabangketa” umano nito ang ilang mga nahuhuling suspek sa ilegal na pagsusugal sa halip na dalhin sa kanilang himpilan upang kikilan.

Nairekomenda na umano ang pagsibak sa naturang pulis na hindi na muna binanggit ang pangalan subalit muling nakabalik sa puwesto sa hindi pa batid na kadahilanan.

Nitong Sabado ay inilabas na ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang pangalan ng anim na pulis na nahaharap sa kasong kriminal at administratibona kinilalang sina P/EMS Roberto Balais, P/SSg Antonio Bugayong, P/SSg Gerry Maliban, P/SSg Nikko Pines Esquillon, P/Cpl. Edward Jake Balnco at Pat. Benedict Mangada habang ang dalawa nilang team leader na sinampahan din ng kasong administratibo ay nakilala lamang sa mga apelyidong Carpio at Dela Cruz na kapuwa may ranggong Kapitan.

AUTHOR PROFILE