NAIA

Biktima ng illegal recruiter nasagip sa NAIA

June 24, 2024 Jun I. Legaspi 86 views

MULING nagbabala ang si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansincgo sa publiko laban sa mapanlinlang na recruitment practices na nangangako ng magandang trabaho sa Lebanon.

Ginawa niya ang babala kasunod ng pagkakaharang sa isang Pinay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Hunyo 21.

Inihayag ng BI’s immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na napigilang umalis ang 57-anyos na biktima ng matuklasan sa interview na bibiyahe siya sa Thailand upang bisitahin ang kanyang kamag-anak subalit kinalaunan inamin na sa Lebanon ang destinasyon niya.

Inamin din ng babae na ang kanyang travel documents na iprinisinta peke at ibinigay lamang ng kanyang recruiter na nakausap niya sa Facebook.

Inamin niya na inatasan siya ng kanyang recruiter na magpakilala bilang turista subalit napaamin na una na siyang nagtrabaho bilang OFW sa Lebanon at nais bumalik sa trabaho.

Agad namang itinurn over sa IACAT ang biktima para sa kaukulang imbestigasyon at paghahain ng kaso laban sa kanyang recruiter.

Sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), umabot na sa 273 distressed Filipinos ang nai-repatriate simula nang itaas sa Alert Level 3 ang sitwasyon sa Lebanon.

AUTHOR PROFILE