Tansingco

BI, PCG kumilos na matapos masita ni Speaker Romualdez

August 13, 2023 People's Tonight 331 views

MATAPOS kwestyunin kamakailan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung sino ang nagbabantay sa mga Chinese crew ng mga barko sa Manila Bay, agad na nagsagawa ng inspeksyon ang Bureau of Immigration (BI) at Philippine Coast Guard (PCG) sa lugar.

Nakarating kasi kay Speaker Romualdez na bumababa sa gabi ang mga crew ng mga barko na kabilang sa Manila Bay Reclamation kahit na wala itong mga kaukulang dokumento para gumala.

Agad na ipinag-utos ni Immigration Commissioner Norman Tansingco noong Huwebes kay BI Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr., ang inspeksyon at monitoring kasama ang Intelligence Unit ng PCG sa lahat ng mga Chinese vessel na nakadaong sa Manila Bay ngayon.

Sa report ng Intelligence Division kay Comm. Tansinco, sinabi nito na tatlong barko ng China ang naakyat na ng joint BI at PCG team nitong weekend.

Ayon kay Chief Manahan, “patuloy na gagawin namin ang pagmomonitor at inspeksyon 24/7 sa kanila”.

Ipinasuspinde na rin ni Pangulong Marcos noong Huwebes ang reclamation project sa Manila Bay matapos kuwestiyunin ang legalidad nito.

Isang imbestigasyon din ang gagawin ng Kongreso para malaman kung nalagay ba sa alanganin ang seguridad ng bansa dahil sa pagbababa ng mga Chinese crew sa gabi.

AUTHOR PROFILE