
Bgy chief na pinagbabaril sa Malabon binawian ng buhay
BINAWIAN na ng buhay ang Punong Barangay na pinagbabaril sa harap ng kanyang Sabado ng umaga sa Malabon City.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, pasado 3 p.m. nang ideklarang patay na ang biktimang si Felimon Villanueva, 68, chairman ng Barangay Tonsuya at residente ng1 C. Peres St.
Nakaupo si Villanueva sa harapan ng kanyang bahay dakong 9:35 a.m. nang biglang sumulpot ang salarin na armado ng baril at kaagad pinaputukan ng sunod-sunod ang biktima.
Ang suspek at sumakay sa isang naghihintay na motorsiklong minamaneho ng kanyang kasabuwat. Tatlong tama ng bala sa tiyan at gilid ng katawan ang tinamo ng biktima bagama’t naisugod pa siya sa pinakamalapit na pagamutan kung saan isinailalim sa operasyon subalit nabigo ring makasalba sa mga tinamong mga tama ng bala.
Nagsasagawa pa rin ng malawakang pagtugis sina P/Maj. Ronald Carlos para sa agarang ikadarakip ng mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa nangyaring pamamaslang.
Hawak na rin ng pulisya ang mga kuha ng close circuit television (CCTV) camera sa lugar na pinangyarihan ng krimen at patuloy na sinusuri para sa posibleng pagkakakilanlan sa mga salarin.