Servo

VM Yul Servo nagsagawa ng ‘Pasasalamat Motorcade’

May 29, 2022 Edd Reyes 578 views

NAGSAGAWA ng “Pasasalamat Motorcade” si Manila 3rd District Congressman at ngayon ay vice mayor-elect Yul Servo Nieto sa anim na distrito ng lungsod ng Maynila nito lamang araw ng Sabado.

Nilibot ng grupo ng mauupong bise alkalde ang mga lansangan sa anim na distrito ng lungsod upang ipagpatuloy ang kanyang munting pasasalamat sa mga Batang Maynila, kasama ang kanyang mga katuwang na lingkod bayan, nang hindi inalintana ang panaka-nakang pagbuhos ng malakas na ulan.

Inabot ng gabi sa pagsasagawa ng motorcade nina Cong. Servo Nieto para lamang matiyak na maipapaabot niya ang kanyang pasasalamat sa mga sumuporta at nagluklok sa kanila ni Vice Mayor at ngayon ay mayor-elect Honey Lacuna-Pangan.

“Pagbubutihin ko po ang trabaho at asahan ninyo na ang aming tanggapan ay maghahatid ng serbisyong walang katulad at naglilingkod anumang panahon sa mahal nating lungsod ng Maynila. Muli, taos pusong pasasalamat sa inyo! Maraming, maraming salamat po. Magkita kita po tayo muli,” sigaw pa ng nagwaging bise alkalde habang lumilibot sa buong lungsod.

Noong Mayo 14, limang araw matapos ang pambansa at lokal na halalan, kasamang nagsagawa ng motorcade sina Mayor-elect Honey Lacuna at Vice Mayor-elect Yul Servo Nieto sa malaking bahagi ng lungsod upang ipaabot ang kanilang taos-pusong pasasamalat sa suportang nakamit mula sa napakaraming botanteng bumuto sa kanila.

Si Mayor-elect Honey Lacuna ay kasalukuyang nagbabakasyon sa ibang bansa matapos dumalo sa graduation day ng isa nilang anak ni Dr. Arnold “Poks” Pangan at nakatakdang bumalik ng Pilipinas sa Miyerkules, Honyo 1, batay sa rin sa ibinahaging impormasyon ni Manila City Administrator Felix Espiritu.

AUTHOR PROFILE