Knife

Bayaw pinaringgang palamunin, nanaksak

December 19, 2023 Edd Reyes 170 views

HINALIKAW ng saksak ng 34-anyos na lalaki ang dalawa niyang bayaw ng paringgan siya na “palamunin at batugan” noong Lunes sa Malabon City.

Nakaratay sa Tondo Medical Center ang mga biktimang sina alyas Jessie, 31, at Art John, 30, construction workers.

Nagtamo ng tig-tatlong saksak sa kamay ang dalawa habang sugatan din si alyas Mahalia, 25, nakababatang kapatid ng suspek na si alyas “Melvin” nang aksidenteng mahagip ng saksak sa kanang pulso habang inaawat ang kanyang kuya.

Sa isinumiteng ulat ni P/SSg Diego Ngippol kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, kararating lang galing sa trabaho ang suspek nang abutan ang mga bayaw na nag-iinuman sa 2nd floor ng 133 Lupa Association, Block 1, Letre Road, Gozon Compound, Brgy. Tonsuya, Malabon dakong alas-11:40 ng gabi.

Doon na pinaringgan ng mga biktima ang bayaw ng nakaka-insultong salita gaya ng “batugan at palamunin” na dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo na nauwi sa pagsusuntukan.

Sinabi ng mga kaanak ng biktima kay Sgt. Ngippol na matagal na tambay ang suspek at kailan lang nagkaroon ng trabaho kaya’t nasaktan sa parinig ng mga bayaw.

Naawat naman ang pag-aaway ng tatlo hanggang umakyat sa ikatlong palapag na kanilang tinutuluyan si Melvin para kumuha ng patalim at dito na sinugod ang kanyang mga bayaw.

Nang makarating sa Malabon Police Sub-Station 5 ang insidente, kaagad silang nagresponde at nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

AUTHOR PROFILE